Advertisers
INSPIRASYON SA BUHAY:”… Aking tinawag ang aking ibong mandaragit, ang aking lider mula sa silangan, at ang aking bayan mula sa malayong lupain, upang ganapin ang aking layunin…” (Isaias 46:11, Ang Tanging Daan Bibliya).
***
MGA BALITA SA BAGONG COVID 19, FAKE NEWS LANG BA? Talaga namang masisira ang ulo ng sambayanan sa mga kontra-kontrang balita tungkol sa COVID 19 at sa sinasabing mas makamandag na bagong uri nito. Sabi ng World Health Organization at ng University of the Philippines, mas delikado ang bagong uri ng COVID 19. Kaya lang, sabi ng Department of Health, wala pang kumpirmasyon ito.
Sandali lang. Ano ba talaga ang totoo dito? May bagong strain ba ang COVID 19 o wala? At kung meron man, gaano kadelikado ito? O, humina na ang epekto nito dahil nakagawa na ng panlaban ang katawan ng marami sa mundo ngayong nasa halos ika-anim na buwan na tayo ng nasabing salot? O, fake news na lamang ang lahat ng ito?
Ang hirap ng maniwala sa mga balita. Pati na sa mga sinasabi ng mga autoridad, mahirap na ding lunukin. Dahil dito, uulitin ko ang sinasabi ko dito: walang ibang lunas at walang ibang pampigil o panlaban sa COVID 19 o sa iba pang mga viruses s mundo kundi ang Diyos. Pasakop tayo at ang ating mga mga mahal sa buhay sa Diyos, sa pamamagitan ng regular na pag-aaral ng Bibliya at pagsunod sa mga utos ng Diyos.
***
AND KNK, PINAMUMUNUAN NG “LIDER DISIPULO” NA ITINATAG NG DIYOS: SSDSNNJ Amen. Kung pag-aaralang mabuti, ang mga simbahan sa buong mundo ay may kani-kaniyang tawag sa kanilang mga pinuno. Nariyan ang tawag na “Father”, o “Reverend”, o “Pastor”, o “Minister”, “Servant Leader” “Brother” o di kaya ay “Santo Papa”.
May kani-kaniyang kuwento din ang mga katawagang ito sa mga pinuno ng iba’t ibang mga simbahan, pero, kakaiba din ang kuwento ng kung paano tatawagin ang pinuno ng Simbahang Anak Ng Diyos Kadugo Ni Kristo (AND KNK), ang Simbahang itinatag ng Diyos sa Pilipinas upang siyang gumanap ng Kaniyang mga gawain, at tumupad sa Kaniyang layunin, sa huling kapanahunan.
Una, tunay na kakaiba nga kung tawagin ang pinuno ng AND KNK. “Lider Disipulo” ang tawag sa pangkalahatang pinuno ng Simbahang AND KNK at ayon sa mga turo at aral ng Simbahan na pangunahing mababasa sa kaniyang Mga Batayang Aral (MBA), ang tawag na “Lider Disipulo” sa pinuno ng AND KNK ay mula mismo sa Bibliya at siyang tawag na ibinigay ng Diyos, sa maraming kadahilanan.
Ganito po ang kuwento o kasaysayan ng titulong “Lider Disipulo” ng Simbahang AND KNK. Taong 2007 noong ibinaba ng Diyos ang inspirasyong dapat ng ipakilalang isang simbahan ang aming grupo na noon ay nag-aaral na ng higit sa siyam na taon mula 1998 ng Bibliya, at nagsasama-sama na sa mga regular na pagtitipon sa panalangin.
***
BAKIT “LIDER DISIPULO” ANG TAWAG SA PINUNO NG SIMBAHANG AND KNK? Kumilos kami ng mga naunang tinawag na bumuo ng Simbahang AND KNK upang maitala sa Securities and Exchange Commission ng Pilipinas ang pagkakatatag sa Pilipinas ng mga gawain ng Diyos sa huling kapanahunan tungo sa kaligtasan ng marami pang mga naliligaw sa pananampalataya at nananatiling walang katiyakan sa tatlong antas ng kaligtasang nagmumula sa Diyos.
Bagamat maliwanag na sa aming mga isip noong mga panahong iyon na ang nais ng Diyos na itawag sa Kaniyang Simbahan ng Kaligtasan na itinatatag Niya sa Pilipinas bilang katuparan ng mga pahayag sa Bibliya sa Isaias 46:11 at Mateo 16:18 ay “Anak Ng Diyos Kadugo Ni Kristo”, nagkaroon ng palaisipan kung ano naman ang itatawag sa pinuno ng AND KNK bilang Simbahan.
Hindi namin nagustuhan noon ang mga salitang Pastor, Brother, Minister, o iba pang mga pangalan na palasak ng ginagamit ng ibang mga simbahan. Pero, nagkataon namang noong 2006-2007, marahil sa pagkilos na rin ng Diyos, bigla akong naitalagang pangulo ng Rotary Club of Intramuros sa Manila.
Dapat ay sa 2007-2008 pa ako maluluklok na pangulo ng Rotary Club. Pero biglang namatay ang noon ay namumuno na sa Club bilang pangulo para sa taong 2006-2007. Sa iisang kapasyahan ng mga kasapi ng nasabing Rotary Club, ako ang ipinalit nila sa namatay na pangulo, bagamat marami naman ang iba pang mga kuwalipikado, lalo na at iisiping “baby Rotarian” pa lamang ako noon na di pa sanay sa Rotary.
***
SA BIBLIYA, ANG TINAWAG NG DIYOS AY ANG KANIYANG LIDER: Pero, tila ang lahat nga ay sa pagkilos ng Diyos, at tunay na napakabilis ng mga pangyayari. Noong ako ay nanumpa bilang kahaliling pangulo, nag-umpisa akong manungkulan na taglay ang titulong “Leader President”, dahil iyon ang pangalang itinawag ng Rotary International sa lahat ng mga Club presidents na nagsilbi sa buong mundo noong 2006-2007.
Kung hindi ako humalili bilang pangulo, at natuloy akong maging pangulo noon lamang 2007-2008, hindi sana ako tatawaging “Leader President”, kundi “Sharing President”. Ngayon, sa isang pulong noong 2007 ng noon pa man ay maituturing ng Komite ng mga Tagapamahala ng AND KNK, ipinanukala kong tila maganda kung ang itatawag sa pinuno ng AND KNK ay “Leader Disciple” o sa Pilipino, Lider Disipulo, dahil marahil sa inspirasyon ng aking pagiging “Leader President” ng Rotary Club.
Sumang-ayon naman ang lahat sa panukala kong ito, kaya naman “Lider Disipulo” ang naging tawag sa pinuno ng Simbahang Anak Ng Diyos Kadugo Ni Kristo. Hindi ko ikinahihiyang aminin na noong mga sandalling iyon na ipinanukala kong tatawagin ang pinuno ng AND KNK bilang “Lider Disipulo”, hindi ko pa alam na may batayan pala ito sa Bibliya.
Ang batayang ito ay makikita sa salin ng New Living Translation sa Isaias 46:11 ng Bibliya, ang bersikulong nagsasabi na ang totoo palang tinawag ng Diyos upang gumanap ng Kaniyang layunin bilang Kaniyang ibong mandaragit ay ang Kaniyang “lider” mula sa silangan, at ang bayang pamumunuan ng “lider” mula sa malayong lupain. Salamat Sa Diyos Sa Ngalan Niyang Jesus, Amen.
***
MAKINIG, MANOOD: “Ang Tanging Daan”, Lunes hanggang Linggo, mula alas 5 ng hapon (oras sa Pilipinas), Bukidnon Radyo Power FM (Valencia City at Lake Seibu, South Cotabato), 95.5 J FM (Dangkagan, Bukidnon), DXMJ 90.3 Sunshine FM (Sumilao, Bukidnon), at sa website ng AND KNK (www.andknk.ph), YouTube (Ang Tanging Daan AND KNK), Facebook pages na www.facebook.com/angtangingdaan, www.facebook.com/attybatas, at sa CATV Cable Channels, Coron, Palawan, at Calamianes Cable TV, sa Calamianes Islands.