Advertisers

Advertisers

Duque ginamit ang PhilHealth sa pandaraya vs FPJ

0 394

Advertisers

NABUNYAG sa pagdinig ng Senado na nagsimulang malugi ang Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) noong taong 2004 dahil sa hindi pagbabayad ng mga premium makaraang ilunsad ni CEO Health Secretary Francisco Duque III ang pamamahagi ng 5 milyong insurance card kung saan may larawan noon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
“Yun po ang unang dahilan ng pagkalugi ng PhilHealth,” wika ni Dennis Adre, Regional Vice President sa Davao City, sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate Committee of the Whole hinggil sa korupsyon ng state insurer.
Ayon kay Adre, inilunsad ni Duque ang “Plan 5M” bago ang presidential elections noong 2004.
Binigyang direktiba umano ni Duque ang mga regional vice presidents na ipamahagi ang kabuuang limang milyong libreng PhilHealth cards na kaparehas sa 5-milyong lead votes ng dating presidential candidate at “King of Philippine Movies” na si Fernando Poe Jr.
“Noon pong may survey na the late FPJ ay nangunguna ng five million votes sa survey, kaya po 5 million din ang cards na ipinamigay ng Philhealth na libre,” tugon ni Adre kay Senador Grace Poe, nang tanungin kaugnay ng “Plan 5M.”
Nabatid na si Poe ay anak ng namayapang aktor.
“These free PhilHealth cards were to be distributed then to the perceived political allies nationwide during the election period to offset the 5 million lead of the late FPJ in the surveys,” saad pa ni Adre sa kanyang hiwalay na position paper na isinumite sa Senado.
Aniya, may instruksyon pa umano si Duque na walang magiging alokasyon ng PhilHealth cards kay dating Davao City Mayor at ngayo’y Pangulong Rodrigo Duterte.
“Sa maalala ko po, kaya kami nagkaroon ng konting hidwain ay dahil nilinaw ko po kung bakit si Dating Mayor Duterte ay hindi niya (Duque) pinabibigyan ng PhilHealth cards,” dagdag ni Adre.
Samantala, inakusahan ni resigned PhilHealth Anti Fraud Officer Thorsson Keith si Duque na godfather ng mafia sa PhilHealth.
Nang tanungin ni Senador Poe si Atty. Keith kung bakit niya ito nasabi ay iginiit nito na sa pagpapatupad pa lamang ng kinukwestyong interim reimbursement mechanism (IRM) ay malinaw na may kinalaman si Duque bilang chairman ng board.
Siya rin aniya ang nag-apruba ng appointment ng mga inaakusahan ngayon na mga miyembro ng PhilHealth mafia. (Mylene Alfonso)