Advertisers
NAGHATID ang opisina ni Senator Christopher “Bong” Go ng iba’t ibang tulong sa 160 pamilyang nawalan ng tirahan matapos sirain ng sunod-sunod na paglindol sa Makilala, North Cotabato noong nakaraang taon.
Ang pamamahagi ng tulong ay isinagawa sa ilalim ng estriktong pagsunod health and safety protocols para maiwasan ang hawahan ng COVID-19.
Tinatayang nasa 500 internally displaced persons o IDPs na kasalukuyang tumutuloy sa isang shelter sa Brgy. Bulatukan ang nakatanggap ng food packs at face masks mula sa mga staff ni Sen. Go.
Tatlong piling pamilya naman ang binigyan ng bicycle units.
“Hihingi lang ako ng paumanhin dahil hindi ako makakapunta ngayon dahil bawal ang mass gathering. Gusto ko sana bumaba dyan sa inyo para yakapin kayo pero mayroong batas na ipinagbabawal. Ngayon, mayroon akong konting bagay na ipinadala na food packs at mga face mask na para magamit ninyo, maliit lang ito na tulong. Intindihin niyo na lang muna ngayon ang ating sitwasyon at magtulungan tayo,” sabi ni Go sa kanyang video message.
Ang mga nasabing apektadong pamilya ay nakatakdang i-relocate ng municipal government sa bagong mas maayos at maluwag na lokasyon.
Sinabi ng National Housing Authority Regional Office 12, nakahanda na itong magtayo ng mga bagong bahay para sa IDPs kapag nabili na ang lupa ng local government unit.
Nakumpleto na rin ng Department of Trade and Industry ang ginawa nitong assessment sa mga babaeng benepisyaryo ng Negosyo Program.
Kaugnay nito, muling nanawagan si Go para sa pagpapalakas ng disaster preparedness, resilience and recovery measures sa bansa.
Partikular na kanyang iginiit ang pangangailangan na matugunan ang kakulangan ng dedicated government infrastructure na gagamitin sa oras ng mga sakuna at kalamidad.
Noong December 2019, naghain si Sen. Go ng Senate Bill No. 1228 na layong magtayo ng mga mandatory evacuation centers sa bawat lungsod, pronbinsya at munisipalidad sa bansa.
Ang bawat center ay may minimum amenities, gaya ng sleeping quarters, shower at toilet facilities, food preparation areas at health care areas.
“It is high time that the State establish evacuation centers in all cities, provinces, and municipalities which will cater to the basic needs of the victims of these disasters and provide them temporary shelters that will guarantee their safety, promote their social wellbeing, and guard their welfare while they recover and rebuild their homes and their lives,” ani Go.
Naghain din si Go ng SB No. 205 noong July 2019 na may layong mag-estabilisa ng Department of Disaster Resilience, isang highly specialized agency na hahawak sa mga emergency na dulot ng natural disasters at climate change.
Ibig sabihin, ang nasabing ahensiya ang mangunguna sa disaster risk reduction, disaster preparedness and response, at recovery and building efforts.
“Alam ko, nahihirapan tayo ngayong taon. Marami tayong hinarap na problema nitong dumaan na Disyembre. Sa totoo lang ‘yung bahay ko nabiyak din. Dito sa Davao, nilindol rin kami. Pagka-Enero, pumutok ang Taal Volcano, tapos ngayon COVID-19,” ani Go
“Magdasal lang tayo, magtiwala tayo sa Panginoon. Malalampasan natin itong krisis na kinakaharap natin. Magtulungan lang tayo. [Kung ang] mga Pilipino magtulungan sa isa’t-isa, kaya natin itong malampasan. Basta kami ni Presidente Duterte, handa kaming magserbisyo sa inyo sa abot ng aming makakaya,” ang sabi ng senador. (PFT Team)