Advertisers

Advertisers

BABAENG AKTIBISTA PATAY SA AMBUSH!

Sinunud-sunod na mga militante

0 702

Advertisers

PATAY ang isang babaeng human rights activist nang pagbabarilin sa Eroreco Subdivision sa Barangay Mandalagan, Bacolod City, Lunes ng gabi.
Kinilala ang biktima na si Zara Reboton Alvarez, 30-anyos, ng Cadiz City, Negros Occ., dating campaign at education director, at paralegal ng Karapatan sa Negros Island.
Ayon sa ilang saksi, naglalakad pauwi sa tinutuluyang boarding house si Alvarez nang lapitan ng isang lalaki at binaril ng ilang beses , sanhi ng agarang pagkamatay nito. Naglakad lang palayo ang salarin patungo sa naghihintay na motorsiklo at mabilis na tumakas.
Sa ngayon, hindi pa matukoy ng pulisya ang motibo sa pamamaslang.
Patuloy pa ang ginagawang imbestigasyon ng Police Station 3 sa krimen.
Samantala, mariing kinondena ng grupong Karapatan ang pagpaslang kay Alvarez.
Sabi ng grupo, patuloy nilang ipaglalaban ang hustisya sa pagkamatay ng mga kasamahan nila katulad ni Alvarez at ni Randall Echanis ng Anakpawis.
Kinondena rin ng National Union of Peoples’ Lawyers ang pagpaslang kay Alvarez, na ayon sa kay Atty. Edre Olalia, tila pagpuntirya sa mga aktibista at kritiko ng gobyerno.
Aniya, hindi mapapatahamik ng mga pagpaslang ang mga naghahangad ng tunay na pagbabago.
Nagpahayag naman ng pakikiramay sa pamilya ni Alvarez ang Kabataan Party-list na nangakong patuloy na ipaglalaban ang hustisya para sa mga aktibistang pinapaslang.
Kinondena rin ni Bayan Muna Rep. Carlos Zarate ang pagpatay kay Alvarez.
Namatay si Alvarez ilang araw lamang matapos matagpuang patay sa kaniyang inuupahang bahay si Echanis, ang 72-anyos na peasant leader at consultant ng National Democratic Front.
Tinitingnang anggulo ng pulisya ang umano’y pagkakasangkot ni Alvarez sa mga leftist organization.
Ayon pa kay Bacolod City Police Station 3 chief, Captain Richard Fajarito, aalamin ng mga imbestigador sa pamilya ng biktima kung mayroon itong mga kaaway na maaaring nasa likod ng krimen. (Mark Obleada/Gaynor Bonilla)