Advertisers
SARI-SARING reaksiyon ang ibinunga ng pagpalit ng petsa ng pasukan sa eskwela – mula nakagawiang buwan ng Hunyo naging August 24 ito at ngayon nga ay naging October 5 na.
Para sa maraming magulang ay ayos lamang ito upang talagang mapaghandaan ang sistema ng pag-aaaral ng kanilang mga anak sa gitna ng pandemiya ng COVID-19. Para sa kanila, mahirap talaga ang “online learning” dahil nag-oobliga ito ng pagkakaroon ng high-tech na gamit gaya ng cellular phone, laptop o computer at internet connection sa mga mag-aaaral.
Sinagot naman agad ito ng Department of Education (DepEd) na ang sabi – sa mga lugar na hindi abot ng internet ay via module ang paraan. Yun bang ihahatid sa mga tahanan ang mga aralin para pag-aralan ng mga estudyante dahil nga hindi pwede ang nakagawiang “face-to-face” learning habang may panganib pang virus sa kapaligiran.
Maging mga guro ay nagsisi-angal, anuman ang kaparaanang gagamitin nila. Dahil ang mga ito ay hindi rin handa sa ganitong biglaang pandemiya. Di ba nga, bago pa lang magsara ang klase para sa bakasiyon sa buwan ng Marso hanggang Mayo, ay dumating na ang problemang dala ng COVID-19.
Lalo pang dumagdag sa problema ng ating mga guro ay ang kailangang bagong sistema ng pagtuturo upang makaiwas sa virus. Lahat ay nalito kung ano ang dapat gawin. Kaya mismong si Pangulong Rodrigo Roa Dutete ay nagsabi na noong una, na wala munang pagbubukas ng klase at hayaang ang mga batang estudyante ay maglaro na lamang habang may panganib pa nga na dala ng virus.
Ngunit hindi kailangang balewalain ang problema ng pagbubukas ng klase, ang mahalaga ay maituloy ang pag-aaral ng ating mga kabataan, kaya umisip ng mga panibagong paraan ng pag-aaaral. At kahit na nagpa-urong-sulong kung kailan talaga bubuksan ang pasukan, kailangang ituloy ang pag-aaral.
Heto na nga tayo, mag-aantay pa uli hanggang October 5, samantalang ang iba, gaya ng mga pribadong paaralan ay nagsimula na. Wala namang kaso ito dahil ang mga nasa pribadong eskwela ay may mga kaya namang magkaroon ng mga high-tech gadgets ang kanilang mga mag-aaaral.
Anumang petsa ang italaga ng DepEd o mismo ng pamahalaan sa pangunguna ng Administrasyong Duterte, mas mahalaga pa ring isaalang-alang ang buhay at kalusugan ng ating mga mag-aaral, maging ng ating mga guro.
Mainam na ang maiiurong ang petsa nito, upang maging handang-handa ang lahat, sa pag-iingat man laban sa virus at sa bagong kaparaanan ng pag-aaaral. Lahat ng magulang ay wala namang ibang inaasam sa kanilang mga anak kundi ang kasiguruhan sa kalusugan ng kanilang mga anak. Sapagkat ang karunungan ay sadya namang nakukuha sa tamang pamamaraan ng pag-aaral.
Mahalaga pa rin sa lahat ang kalusugan. Di ba nga may kasabihan tayong – kalusugan ay kayamanan na.