Advertisers

Advertisers

Sport heroes sa sinehan!

0 346

Advertisers

Sa palatuntunan na Boomers’ Banquet sa FB Live ay nabanggit ng batikang sportscaster na hawak ng pamilya Elorde ang film rights ng mga laban ni Flash. Paksa kasi ng programa noong Sabado ang mga pelikula at teatro noong 60s, 70s at 80s.

Espesyal na panauhin si Prof Sev ng Ateneo nina Bob Novales, George Boone at ang salingkit na inyong lingkod noong Sabado.

Pinalabas sa mga sinehan ang mga bakbakan ni Elorde kina Harold Gomes, Teruo Kosaka, Carlos Ortiz at Ismael Laguna.



Nakatago pa raw ang mga reel ng mga fight na nabanggit.

Gumawa rin si Da Flash ng mga movie noon tulad ng Mano-Mano, Pamilya Dimagiba at Kapag Buhay ang Inutang na pawang action hits. Natural na siya gumanap sa sarili sa The Flash Elorde Story.
Ang 1971 MICAA Open Finals sa pagitan ng Meralco at Crispa ay natunghayan din natin sa loob ng sinehan. 65-58 ang score pabor sa Reddy Kilowatts na ang mga bida ay sina Robert Jaworski, Big Boy Reynoso, Alfonso Marquez, Orly Bauzon, at Jimmy Mariano. Import nila sina Bob Presley at Carl Greenfield at coach naman ay si Bay Mumar. Dinaig nila sa kampeonato ang mga Redmanizers na pinangunahan noon nina Rudy Soriano, Rudy Kutch, Danny Florencio, Johnny Revilla at Jun Papa samantalang mga reinforcement ay sina Tom Cowart at Paul Scranton. Mentor nila ang legend na si Baby Dalupan.

Napanood na natin ito sa telebisyon pero inulit pa natin nang tinanghal sa big screen.
Siyempre tinampok din si Jawo noon sa pinilakang tabing. Una siyang nakita sa mga Ramon Revilla film dahil biyenan niya ang action star. Naging title role siya sa Big J.

Ang ibang boksingero na naakit ng showbiz ay sina Manny Pacquiao, Rolando Navarrete at Onyok Velasco.

Kuminang din ang mga bituin sa movieworld ng mga basketbolistang sina Joey Marquez, Benjie Paras, Alvin Patrimonio, Dave Brodett, Jayvee Gayoso, Jimmy Santos, Yoyong Martirez at Freddie Webb.



Marahil nasaksihan din ng iba sa atin ang commercial ni Cisco Oliver para sa Alaska habang naghahantay ng ating napiling pelikula. Si Oliver ay Amerikanong player ng Mariwasa noong 70s na naging talent sa patalastas ng gatas na marka.

Si Lydia de Vega, ang Asia’s sprint queen nahila rin sandali ng film industry. Medalyang Ginto ang pamagat ng film bio niya noong 1982. Si Tony Santos Sr ang pumapel na Tatang niya. Sinulat ang script ni Edgar Reyes at dinerek ni Romy Suzara. Kayo anong event at sinong atleta ang nakita ninyo sa theatre screen?

***

Heto prediksyon ni Tata Selo sa walong matches ng unang round ng NBA Playoffs.
Sa Western Conference ang mga magwawagi ng kanilang serye ay ang Lakers, Clippers, Rockets at Nuggets. Sa East naman ay magsisipanalo ang Bucks, Raptors, Celtics at Heat.
Ibig sabihin uuwi na ang Blazers, Mavericks, Jazz at Thunder. Aalis na rin sa NBA Bubble ang Magic, Nets, 76ers at Pacers. Tanging ang Miami lang sa listahan ang wala sa Top 4 sa bawat pangkat. Paniwala ni Tatang ay mauungusan nila ang Indiana na aabutin ng pitong game.