Advertisers
Nagkaisa ang mga Metro Mayors sa kanilang rekomendasyon na magpatupad ng mas mahigpit na General Community Quarantine (GCQ) sa Kalakhang Maynila sa pagtatapos ng Modified Enhanced Community Quarantine sa Agosto 18.
Ayon kay MMDA General Manager Jojo Garcia, iisa ang nais ng mga Metro Mayors, at ito ay bumalik sa dating GCQ na mas mahigpit upang mapababa ang bilang ng covid-19 cases.
Nagkasundo rin ang mga Metro Mayors na ibalik sa 8pm to 5am ang curfew.
Samantala, ipinauubaya ng mga Metro mayors sa Inter Agency Task Force on Emerging Infectious Disease (IATF) ang desisyon hinggil sa pagpapatupad ng pagsusuot ng face shield.
Ani Garcia, anumang desisyon ng IATF ay tiyak naman na susunod ang mga Metro Mayors.
Tuloy pa rin umano ang pagpapatupad ng localized o targeted lockdown sa mga lugar na may maraming kaso ng covid-19.
Nakahanda rin umano ang mga Metro Mayors na irespeto kung ano ang magiging desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa bagong classification ng community quarantine simula Agosto 19.
Ang buong Metro Manila, Cavite, Laguna at Rizal ay isinailalim sa MECQ hanggang Agosto 18. (Jonah Mallari/Josephine Patricio/Gaynor Bonilla)