Advertisers
DUMADAING ang ilang jeepney drivers na hindi pa nakakakuha ng ayuda mula sa Social Amelioration Program (SAP), sa nakatakdang huling araw ng distribusyon ng government cash aid.
Ang tsuper ng jeep na si Gildebrando Diolata, luha ang naisagot nang tanungin kung nakatanggap ng ayuda sa pamahalaan.
Bigo aniya siyang makatanggap noong unang tranche ng SAP at hindi rin pinalad sa ikalawang bugso.
Ang hindi raw maintindihan ni Diolata, na halos 60 na at may asawang diabetic, ay kung bakit tila walang tumutugon sa kanilang mga daing.
“Sa DSWD, wala na kaming pag-asa, umaasa kami sa LTFRB dahil nu’ng pumunta ako ng DSWD ang sabi sa akin, wala sa kanila… nasa LTFRB. Ang sabi naman ng LTFRB, ipinasa na nila sa DSWD. Parang pinagpasa-pasahan lang po kami,” ani Diolata.
Sa mahigit 120 drayber kabilang si Diolata, 10 lang ang naambunan ng ayuda. Nais man nilang pumasada na lang kaysa sa umapela ng tulong, hindi rin sila pinayagan dahil sa pagpapatupad ng MECQ.
“May magbibigay ng tig-5 kilo ng bigas o noodles, ‘yun nalang pinagkakasya namin. Wala naman po kaming magawa,” ani Clenio Chua Jr., isang tsuper.
Ganito rin ang sitwasyon sa Balintawak, Quezon City, maging sa kalakhang Maynila kungsaan nanlilimos ang mga tsuper.
Kuwento ng tsuper na si Antonio Parada, magkakalahating taon na siyang walang biyahe at ang ayudang inaasahan hindi parin nasisilayan.
Nauna nang sinabi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na target nilang matapos ang pamimigay ng SAP sa Agosto 15.
Nitong Biyernes ay ipinaliwanag ng DSWD na “low-income families” ang basehan sa pamimigay ng SAP.
“We gave the identification of beneficiaries and barangays to the LGUs,” ani DSWD Asec. Joseline Niwane. Pero kung ito ang basehan, palaisipan para sa mga drayber kung bakit wala parin silang natatanggap.
“Sana po pantay ang pagtingin nila,” maiyak-iyak na pahayag ni Diolata.
Mahigit kalahating buwan narin mula nang iutos ni Pangulong Duterte kung bakit may mga drayber na walang natatanggap na ayuda. (PTF team)