Advertisers
KANYA-KANYANG paraan at estratehiya ang mga local government unit (LGU) kung paano harapin ang tumataas na bilang ng mga nagkakasakit at namamatay sa salot na covid-19 virus.
Pero dahil ang mga LGU ay magkakaiba ang estado, siyempre iba-iba ang kanilang approaches, depende sa laman ng kaban ng kanilang mga bayan.
Kapag mayamang siyudad, malaki rin ang kakayanang gumastos ng todo para bongga ang pagharap sa problemang dulot ng kasalukuyang pandemya.
Gaya ng Manila, Quezon City, Makati – to name a few – sa Metro-Manila, mga siyudad ng Batangas, Lipa, San Pablo sa Region 4-A, Cebu City, Iloilo City, Bacolod City sa Visayas at siyempre ang Lungsod ng Davao na balwarte ni Digong, sa Mindanao, ang mga ito’y kayang-kayang maglabas ng sandamukal na pera dahil matatawag na ‘billionaire LGUs’.
Sa mga social pages ng LGUs, lalo na ang Metro Manila na sentro ng pandemya, nasusubaybayan natin, at nakakatuwang mga estratehiya sa paglababan ng mga LGUs sa naturang pandemya.
Subalit magkakaiba man ang estratehiya, nakikita mo sa bawat alkalde ang kanilang pagpapakahirap para maisalba ang mga kababayan laban sa mapamuksang virus.
Pero ang nakapukaw sa ating damdamin ay ang ginagawang paglaban ni Mayor Lenlen Oreta at ng Malabon LGU, at maging ni Batangas City Mayor Beverly Rose Dimacuha kontra sa covid-19.
Sa kanyang social media pages, matutunghayan si Mayor Oreta na umiikot sa mga lugar sa lungsod na kanyang ini-lockdown dahil sa pagdami ng covid positive.
Pakiwari ko’y hindi alintana ni mayor na sa kanyang mga pag-ikot, siya’y maaring makakuha ng virus pero naiintindihan natin dahil siya nga ay ama ng bayan.
Nakausap ko ang Public Relations Officer ni Mayor Oreta, si Bong Padua na siniguro naman na nag-iingat si mayor, ginagawa lamang daw ang kanyang tungkulin.
Ginagampanan daw ni Mayor Oreta ang lahat para makontrol ang pagragasa ng covid sa lungsod na tulad ng ibang siyudad sa Metro Manila at iba pang lugar sa bansa ay tumataas din ang covid positive.
Sa kasalukuyan, ang Malabon ay may mahigit 2,500 nang nagpositibo ng nasabing virus, ang mahigit 1,000 ay magaling na at may active cases na mahigit 700.
Ilang araw na ang nakakaraan, sa utos ni Mayor Oreta, ang Oreta Sports Center sa Malabon ang ginawa nang ‘covid mega swab facility’.
Target ng pamahalaang lungsod na makapag-swab ng 1,000 Malabonians kada-araw, ayon kay Dr. Bobby Romeo, City health department head.
Binuksan ilang araw na ang nakakaraan, may halos 4,000 nang Malabonians ang nakapag-undergo ng covid swabbing sa naturang pasilidad.
Pero nilinaw ni Dr. Romero na kailangang isakatuparan ang mass swabbing para kaagad magamot ang mga positibo kung ito’y mga symptomatic.
Ganon din ay ma-identify at mamonitor ang mga naka-close contacts na nagpositibo para ang mga ito’y ma-isolate at maisailalim sa swabbing.
Ayon kay Dr. Romero ang isinasagawang mass swabbing ay inaasahang magbibigay ng kasagutan sa problemang dulot ng covid-19.
Mula buwan ng Marso nang unang maranasan ang pandemya, ang Malabon LGU ay nakapag-swab na ng mahigit 14,000 Malabonians.
Para sa mga residente na nais mag-undergo ng covid swabbing, sinabi ni Dr. Romero na makipag-ugnayan sa health centers ng bawat barangay.
Samantala, hinikayat ni Mayor Oreta ang Brgy leaders na maging alerto sa laban sa covid para masiguro nila ang kalagayan ng mga Malabonian.
Mariing ipinaalala ni Mayor Oreta sa mga kapitan na maglatag pa ng mga measures upang makontrol pa ang pagkalat ng virus.
“Magtulungan tayong lahat sa panahong ito at ipakita na buhay na buhay ang #BayanihangMalabonian #MaskSafeSaMalabon, pahayag ni Oreta.
Samantala sa gitna ng pandemya ay walang humpay naman pagbibigay ng ayuda si Batangas City Mayor Beverly Rose Dimacuha sa kanyang mga constituents sa may 105 na barangay ng nasabing Lungsod.
Hindi alintana ng lady mayor ang panganib, katulong ni Dimacuha ang Team EBD sa pamamahagi ng tulong sa mga lugar na may mataas ang bilang ng apektado ng pandemic.
Nakipag-ugnayan din sina Dimacuha sa kanyang mga barangay officials na sundin ang mga health protocol para maiwasan ang pagkakahawa sa nasabing virus.
“Hangad natin ang tagumpay ng lahat sa mundo na mapaglabanan ang covid-19 sa lalong madaling panahon,” ang pahayag ng Mayora.
Sa ating mga local executives sa kapuluan, sana pamarisan sina Oreta at Dimacuha.
***
Para sa komento: Cp # 09293453199 at 09664066144, email: sianing52@gmail.com