Advertisers

Advertisers

ANG KAHALAGAHAN NG WIKANG PAMBANSANG FILIPINO (1)

0 1,230

Advertisers

TAONG 1593, inilimbag ang Doctrina Cristiana (Doktrinang Kristiyano), ang unang libro na nakasulat sa Tagalog na noong panahong iyon ay sinasalita ng maraming Pilipino.

Mula sa salitang “taga-ilog,” ang Tagalog na wika na sinasalita sa Maynila at mga katabing lalawigan noong panahong iyon, at ngayon ay sa malaking bahagi ng bansa, lalo na sa Metro Manila, Bulacan, Batangas, Rizal, Laguna, Quezon, Cavite, Mindoro, Marinduque at ilang parte ng Puerto Princesa at Nueva Ecija.

Disyembre 30, 1937, inilabas ni Presidente Manuel L. Quezon ang Executive Order No.134, ang Wikang Pambansa ay nakabatay sa Tagalog na tinutulan ng maraming mamamayan.



Ayon kay Quezon, ang Tagalog ay tumutugon sa lahat ng katangian na kailangan ng Batas Komonwelt Blg.184 para maging saligan sa paglikha at pagpapalaganap ng isang wikang Pambansa at ito ang naging mandato at tungkulin ng itinayong Surian ng Wikang Pambansa.

Nagsampa sa Hukuman Unang Dulugan (Court of First Instance) ang mga tutol sa Surian, na nanalo sa Hukuman ng Paghahabol (Court of Appeals) at sa Kataas-taasang Hukuman (Supreme Court) at noong Hulyo 15, 1970, ito ang desisyon ng SC:

“Ang Tagalog bilang batayan ng ating wikang Pambansa (na pinatunayan sa ulat ng Kawanihan ng Senso na siyang pinakamalaganap na sinasalita sa ating katutubong wika), ang hayag na pagpapahayag at pagkilala rito ng bayan at pamahalaan, sa kapahintulutan ng Batas Komonwelt Blg. 570 na pinagtibay ng Kongreso na nagpapahayag na ang wikang pambansang Pilipino ay isa sa mga wikang opisyal ng Pilipinas na may bisa noong Hulyo 4, 1946, ay nakapaglagay sa isyu ng katalinuhan at kaangkupan sa pagpili ng Pilipino, batay sa Tagalog bilang wikang pambansa natin, na lampas na sa awtoridad ng mga hukuman upang rebisahin at isaisantabi.

“Dahil sa pangyayaring nabanggit, sa kasalukuyan, ang pinakaangkop na kahulugan ng wikang pambansa ay ang wikang pinagtibay ng pamahalaan na ginagamit sa pamamahala at pakikipag-ugnayan ng mga mamamayan. Dahil dito, patuloy pa rin ang paglaganap ng wika sa mga lugar ng mga etniko na gumagamit ng katutubong wika. Isaalang-alang pa rin ang puspusang paggamit at pagpapalaganap ng wika bilang matatag na pundasyon at pakikipag-ugnayan sa iba’t-ibang larangan — pampolitika, panlipunan, pang-media, pampanitikan, pang-edukasyon at iba pa.

***



Pangunahing kumontra sa Tagalog bilang batayan ng wikang Pambansa ay mga Cebuano dahil sa hindi nabibigyan ng pagkakataon ang mga salitang hindi Tagalog na maging parte ng pagpapayaman at pagpapaunlad ng Pilipino.

Pero ang totoo, ayon sa pag-aaral ng mga expert sa wika, nahahawig ang Tagalog sa maraming wikain sa bansa.

59.6% sa Kapampangan, 48.2% sa Cebuano, 44.6% sa Hiligaynon at iba pa.

Kaya pala, kahit hindi taal na Tagalog, ang mga Cebuano, Kapampangan, Ilokano, taga ibang rehiyon, kapag nasala sa Metro Manila ay mabilis na matutong magsalita at makaiintindi ng Tagalog o ngayon ay Filipino.

Dagdag pa rito, dahil sa mga babasahing nakasulat sa Tagalog, mga pelikula, awitin, anunsiyo, o palabas sa radyo at telebisyon ay karaniwang sinasalita ay Tagalog o Filipino.

Ayon sa mga experto, at sa maraming pag-aaral, lumalabas na ang Tagalog ang pinakamaunlad na wika sa bansa at mas sinasalita at isinusulat ng mas nakararaming mamamayan, sa talastasan, sa panitikan, pelikula, pahayagan, lathalain, sulatan, ugnayan sa kalakalan, sining, at sa iba pang disiplina’t larangan.

Noong 1971, nagkaroon ng Constitutional Convention na tinalakay kung dapat bang baguhin o patayin ang wikang pambansang batay sa Tagalog, at marami ang nagmungkahi na gawing batayan ang Cebuano, Hiligaynon at Ilokano na ipalit sa Tagalog bilang batayan ng wikang Pambansang Filipino.

Sa kabila ng maraming pagtutol, namayani ang Tagalog na wikang sinasalita at nauunawaan ng maraming hindi Tagalog, at maging ng mga foreigner ay mabilis na matututo ng “Tagalog.”

***

Ang Filipino na kilala natin ngayon ay hindi na purong tagalog noon na ngayon ay mas malaya, mas masigla at mas mabilis na lumalaganap bunga ng maraming tulay at paraan tulad ng mga pahayagan, brodkas sa radyo at telebisyon at ng social media: ito na ngayon ang ating wikang pambansa at wikang opisyal na ginagamit sa gobyerno at maging sa pribado.

Lingua franca ito na ang ibig sabihin, ito ang wikang ginagamit ng mas marami, isa itong working language: isang buhay na wika ng lahat.

Kapag sinalita ito sa mga lugar na hindi taal o sanay sa Tagalog o Filipino, ang wikang ito ay madaling nauunawaan at natutunang salitain.

Kasi nga, ang Filipino ay nakabase sa iba-ibang wikain na nauunawaan o naiintindihan ng mamamayang Pilipino. Tagalog man siya, Cebuano o Ilonggo, o Ilokano, Bikolano, Kapampangan, Panggalatok man o Waray o Tausog o anomang wikaing Muslim o Visaya. (may katugtong)

***

Para sa inyong suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com