Advertisers
ARESTADO ng Naic Police ang 3 katao na naaktuhang nagbebenta ng mga pekeng sigarilyo sa loob ng isang subdivision sa Barangay Halang, Naic, Cavite.
Kinilala ang mga nahuli na sina Evangeline Joy Gonales, Jay Torsar, at John Lester Gonzales, pawang negosyante at residente ng nasabing lugar.
Sa ulat, 1:00 ng hapon nang matiyempuhan ng biktimang si Aireen Asuncion, nasa hustong gulang , negosyante, residente ng Brgy. Halang, ang 3 suspek na sakay ng Mitsubishi Mirage G4 ( NFT 9232) at nagbebenta ng kahon kahong sigarilyo sa mga tindahan sa loob ng subdivision.
Ayon sa reklamo ng biktima, nabentahan na siya ng mga suspek nitong unang linggo ng Agosto ng iba’t ibang uri ng sigarilyo sa halagang P30,000.
Subali’t ilang araw lamang ay dinagsa na si Asuncion ng reklamo mula sa kaniyang mga costumer at buyer na peke at iba umano ang lasa ng mga nasabing sigarilyo.
At nitong Agosto 15, nang mamataan muli ang mga suspek ay agad itong nagtungo sa Barangay at humingi ng tulong upang madakip.
Nakumpiska sa loob ng sasakyan ng mga suspek ang malalaking kahon na naglalaman ng 50 rims na pekeng Mighty Green.
Inihahanda na ang kaukulang kasong isasampa sa mga naarestong suspek. (Irine Gasco)