Advertisers
Gagawing Alfredo S. Lim University (ASLU) ang Universidad de Manila na dating City College of Manila bilang parangal sa dating alkalde ng Maynila na siyang nagtatag ng pamantasan may 25 taon na ang nakakaraan kung kaya’t tinagurian siya bilang, ‘Ama ng Libreng Edukasyon.’
Ito ang inanusyo ni Manila Mayor Isko Moreno, na nagsabing “renaming the UDM after Lim is a fitting tribute to the former mayor who introduced the first college that offered free, tertiary education to poor but deserving students, not only in Metro Manila but in the entire country, when he was serving as mayor of the city.”
Nabatid na isinumite na ang isang ordinansa na nauukol dito sa Manila City Council sa inisyatibo ni Moreno at sa ilalim ng pamumuno ni Vice Mayor Honey Lacuna bilang presiding officer ng konseho.
Pumasa ang nasabing ordinansa sa unang pagbasa at kailangan pang dumaan sa ikalawa at ikatlong bilang bahagi ng proseso. Matapos na pumasa ito sa ikatlong at huling pagbasa, kailangan itong malathala sa pahayagan na mayroong general circulation.
Si Moreno, na siya ring chairman ng UDM bilang nakaupong alkalde, nagsabi na kinausap na rin niya si UDM president Maria Lourdes Tiquia tungkol dito na nagpahayag ng kanyang buong suporta sa pagpapalit ng pangalan ng pamantasan bilang paggunita kay Lim.
Nauna rito, nangako si Moreno ns bubuhayin niya ang alaala ni Lim gaya ng pagpapahayag nito ng mga nagagawa ng dating alkalde sa loob ng 12 taong panunungkulan bilang alkalde ng Maynila at sa paglilingkod nito ng may 50 taon na higit pa sa kalahati ng kanyang buhay.
Ayon kay Moreno, sa kabuuan ay nakapagserbisyo si Lim ng 58 taon at kabilang na dito ang panunungkulan niya bilang NBI Director, DILG Secretary at Senator. Naglingkod din si Lim sa Manila Police Department sa loob ng 38 taon at nagsimula bilang patrolman bago naging hepe. May ranggo itong major general nang magretiro bilang hepe ng Western Police District.
Matatandaan na noong 1995, itinatag ni Lim ang CCM sa orihinal nitong lugar sa PNB Building sa Escolta, hanggang sa masunog ito kung kaya’t nailipat ito sa kasalukuyan niyang kinalalagyan. Mula 2,000 enrollees nang una itong magbukas mayroong ng 14,000 mag-aaral amg UDM sa kasalukuyan na kumukuha ng iba’t-ibang kurso.
Bilang estudyante, produkto si Lim ng kahirapan kung kaya’t nagtrabaho ito ng kung ano-ano masuportahan lang ang pag-aaral tulad ng security guard, bus conductor, vendor ng kakanin native, warehouse man at shoe shine boy.
Napansin ni Lim na ang Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) ang nag-iisang city-run university na tumutulong sa mahirap na estudyante na nakapagtapos ng may honor mula sa iba’t-ibang pampublikong paaralan sa Maynila, kung kaya’t itinatag naman niya ang City Colleges of Manila para sa lahat mga nagtapos sa public high school na hindi qualified sa PLM at walang perang pantustos ng kanilang matrikula.(Andi Garcia)