Advertisers
HANGGANG ngayon ay naninindigan ang Department of Education (DepEd) sa petsang Agosto 24 ang simula ng pasukan sa elementarya at sekondarya.
Kaugnay niyan, patuloy na iginigiit ni DepEd Secretary Leonor Magtolis Briones na handang-handa na ang mga guro sa pagsisimula ng mga klase sa Agosto 24.
Nakabatay sa batas ang Agosto 24.
Ngunit, mayroong bagong batas na nagsasabing maaaring baguhin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang petsa ng pagsisimula ng klase batay sa rekomendasyon ng kalihim ng DepEd.
Hindi po natin masisi si Briones na igiit na handa na ang DepEd at ang mga guro mula elementarya hanggang sekondarya sa buong bansa para sa pag-aaral ng milyun-milyong mag-aaral sa bansa, sapagkat tiyak ako na ito ang sinasabi sa kanya ng mga undersecretary at iba pang taong nakapalibot sa kanya.
Lahat sila ay pinagkakatiwalaan ni Briones, kaya tapat at seryoso ang mga pahayag ni Briones sa media hinggil sa kahandaang ng sistema ng pampublikong edukasyon sa bansa.
Ito ang problema, kapag mayroong tao na siyang dapat na aasahan ng kalihim, ngunit sinungaling pala.
Ang kawawa rito ay ang kalihim ng kagawaran.
Ang totoo, naghahabol ang napakaraming guro sa mga lalawigang hindi gagamit ng internet, o online, sa konseptong distance learning ngayong pasukan dahil karamihan, kundi man lahat, ng mga magulang ng kanilang mga mag-aaral ay mahirap.
Kaya, walang internet connection.
Hindi naman kasing lalaki ng mga opisyal ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang sinusuweldo kada buwan ng mga guro.
Kaya, lantarang humihingi ng tulong ang mga guro sa publiko na sila ay mag-ambag sa abot ng kanilang makakaya dahil ang pondong nakalaan sa bond paper, ink at iba pa para sa learning modules na gagamitin ng mga guro sa kanilang pagtuturo ay hindi pa nakararating sa mga guro.
Mabuti na lamang, may mga Filipino na mayroon pang naitatabing pera upang makatulong sa mga guro ngayong panahong mahirap ding kumita bunga ng limitasyong ipinapagawa ng pamahalaan dahil sa coronavirus disease – 2019 (COVID – 19).
Sana bago pa sumapit ang Agosto ay inilabas na ng DepEd ang P9 bilyong pondong nakalaan para rito.
Ang nangyari, Agosto 6 lamang inanunsiyo ni Undersecretary Analyn Sevilla sa media tungkol sa paglabas ng P9 bilyon para sa printing ng learning modules na gagamitin ng mga guro.
Pagkatapos nito, wala pang aksyon ang DepEd hanggang ngayong araw.
Pokaragat na ‘yan!
Bago ianunsiyo ni Sevilla ang P9 bilyon, walang natanggap na memorandum ang mga guro tungkol dito.
Ang nakuha kong impormasyon ay “nabalitaan” ng mga guro na mayroong pondo para sa printing ng learning modules.
Opo, nabalitaan lang nila.
Naghahanda na ang mga guro, ginagawa nila ang paraan upang masiguradong wala silang problema sa pagsisimula ng mga klase sa Agosto 24.
Pero, ang DepEd ay hindi pa pala handa.
Kabaliktaran ito ng sinasabi ni Briones na handa ang DepEd sa pagsisimua ng mga klase sa Agosto 24.