Advertisers
ITINAKDA na ng Department of Health (DOH) ang suggested retail price (SRP) para sa face shields ng mula P26 hanggang P50 lamang.
Ang pagtatakda ng DOH ng SRP ay kasunod na rin nang inaasahang pagiging mandatory na nang paggamit ng face shields sa mga public transportation at mga work places simula bukas, Agosto 15.
Batay sa Department Memorandum na may petsang Agosto 10, ngunit isinapubliko lamang nitong Agosto 13 ng gabi, nabatid na ang naturang prescribed price ay para sa mga face shields na gawa sa clear plastic o acetate material at nagbibigay ng ‘good visibility.’
Dapat rin umanong ang mga naturang face shield ay gawa sa robust material na madaling linisin at i-disinfect, maging ito ay reusable o disposable.
Dapat rin umano itong fog-resistant, may adjustable band upang madaling lumapat sa ulo, kumportable sa noo at may full face coverage.
Matatandaang naging mabili ang mga face shield at nagsimulang magtaasan ng presyo kasunod ng memorandum na inilabas ng Department of Transportation (DOTr) noong Agosto 3 na nagmamandato sa paggamit nito kung sasakay sa pampublikong transportasyon, simula sa Agosto 15.
Nagpalabas na rin naman ng kautusan kamakailan ang Department of Labor and Employment (DOLE) na obligado na rin ang mga manggagawa na magsuot ng face shield sa pagpasok nila sa trabaho.
Ang pagsusuot ng face shield ay karagdagan lamang sa mga pag-iingat na ipinatutupad ng pamahalaan laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19), gaya ng pagsusuot ng face masks, physical distancing at madalas na paghuhugas ng kamay. (Andi Garcia)