Advertisers

Advertisers

Paalam Tatay Cong…

0 271

Advertisers

Noong Linggo (August 9) ang sana man lang ay huli naming pag-uusap, nang subukan ko pa siyang tawagan sa kanyang mobile phone upang kumustahin ang kanyang kalagayan dahil nga sa kanyang karamdaman. Ngunit naputol ang kanyang pagsagot ng kanyang telepono na tila nawalan ng signal.

Kinalaunan, nang siya naman ang tumawag, ako naman ang hindi nakasagot dahil sa aking pagka-abala sa ibang bagay. Yun na pala ang dapat ay huli naming pag-uusap, dahil nitong Lunes ng madaling araw kinuha na siya ng Maykapal.

Yan ang huli kong alala sa samahan namin ni Tatay Cong. Jun Datol, kilala bilang Senior Party-List Representative Francisco “Jun” Datol.



Tatay Cong., ang tawag ko sa kanya dahil itinuturing ko rin siya aking pangalawang ama. Hindi lamang ako nawalan ng kabarilan o shooting buddy, dahil mahilig din siyang pumutok, o hindi lamang ako nawalan ng isang tunay na kaibigan, dahil si Tatay Cong. Jun ay itinuturing din akong kanyang anak.

Ganyan ang aming samahan, parang mag-ama, mula ng kami’ magkakilala at magkasama. At hinding-hindi ko malilimutan ang mga masasaya at minsan ay malulungkot naming mga sandali kung kami’y nagkikita. At ang pinakamahalaga niyang pamana sa akin ay ang kanyang mga pangaral, hindi bilang kongresista, kundi parang tatay ko talaga.

Wala ngang distritong masasabi, ngunit halos pinakamalaking sektor ang kanyang kinakatawan sa Kongreso, ang Senior Citizen Party-List. At nakapag-silbi siya rito ng halos dalawang termino ng mahalal ang kanilang grupo mula noong 17th at hanggang ngayong 18th Congress.

Muntik pa ngang di maka-upong kongresista dahil napatagal ang pagdedesisyon ng Commission on Election (Comelec) upang ideklarang nagwagi muli ang Senior Citizen Party-List ng nagdaang halalan. Anu man ang naging gusot sa isyung yun, ay muling naman naisulong ni Tatay Cong. sa Kamara ang kanyang mga adhikain para sa kanyang sektor. Nabalam nga lang dahil sa pandemiya.

Bilang pinuno ng House Committee on Senior Citizen, si Tatay Cong. ang nagtutulak para maisabatas na itaas sa isang libong piso ang pensiyon ng mga senior citzen sa bansa. At isabatas din ang isang milyong piso na para sa makaka-abot sa edad na isang daan (100 yrs.old).



Walang ibang hangarin ang mambabatas nating ito, kundi pagyamanin ang mga kontribusiyon ng lahat ng senior citizen sa bansa at suklian sila para sa kanilang nagawa sa bayan.

Hindi na natin masusuklian ang kabaitan at maaglingkod na kaugalian ni Tatay Cong. Bagkus ay hahanap-hanapin natin siya. Ang kanyang magiliw na pakikipag-usap kanino man at ang kanyang kusang loob na tumulong kanino man o sinumang lumapit sa kanya.

Paalam Tatay Cong. Ngayong nasa piling ka na ng Maykapal, lagi mo kaming gabayan at bantayan.