Advertisers
Nitong nakaraang Agosto 8, pumanaw si Mayor Fred Lim sa edad na 90. Bumuhos ang luha sa di mabilang na nagmamahal sa kanya dahil sa biglang pangyayari na hindi napaghandaan ng kanyang mga inulilang kapamilya, kaibigan, supporters at tagahanga.
Sa ganang akin, hindi lamang kaibigan ang nawala sa amin. Pamilya na ang turingan namin kaya naman walang kapantay na kalungkutan ang aming naramdaman sa kanyang pagpanaw kaya naman habang isinusulat ko ito ay umiiyak ako. Hindi ako nahihiyang aminin ito.
Hindi naman lingid sa marami na malapit kami kay Mayor Lim at marami kaming masasayang pinagsamahan. Hindi alam ng marami na sadyang palabiro si Lim at masayahing tao kung tutuusin, sa kabila nang palagi natin siyang nakikitang seryoso.
Higit sa lahat, malaking kawalan din si Mayor Lim sa larangan ng serbisyo-publiko at kung pagbabasehan ang kanyang mga nagawa bilang pulitiko, masasabi nating wala na marahil makakapantay sa kanya dahil hanggang ngayon ay patuloy na pinakikinabangan ng mahihirap ang kanyang mga itinaguyod na proyekto sa Maynila kung saan siya naglingkod ng 12 taon, at pakikinabangan din ang mga ito ng mga susunod pang henerasyon.
Nakilala si Mayor Lim sa kanyang ‘womb-to-tomb’ program kung saan mga pangangailangan ng mahihirap na residente ang kanyang pinagbatayan. Siya ang original talaga na naglunsad ng programang ito noon pang 1992 kung saan libre lahat mula sa mga panahong ang isang taga-Maynila ay ipinagbubuntis pa lamang ng kanyang ina dahil libre ang medical check-up at paanakan, hanggang sa siya ay maging estudyante kung saan libre ang pag-aaral at hanggang sa siya ay mamatay dahil may libreng burol, crematorium at libingan.
Dahil siya mismo ay laki sa kahirapan, alam ni Lim na wala nang pinakamahirap kundi ang magkasakit tapos wala kang pera. Kaya naman itinayo niya ang Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center (District 1); Ospital ng Tondo (District 2); Justice Abad Santos General Hospital (District 3); Ospital ng Sampaloc (District 4) at Sta. Ana Hospital (District 6) para makumpleto na bawat distrito sa Maynila ay may ospital na nagbibigay ng libreng serbisyo medikal. Ospital ng Maynila (District 5) lang kasi ang meron nung una siyang maupo bilang mayor.
Hindi rin siyempre malilimutan na siya ang nagpatayo ng City College of Manila na pinalitan ang pangalan (Universidad de Manila) kung saan libre ang kolehiyo sa mga mahihirap na walang pambayad ng tuition fee. Nagpatayo din siya ng 485 libreng daycare, 59 barangay health centers at dalawang evacuation center, isa sa Delpan at isa sa Baseco.
Muntik nang mabura ang mga proyektong ito, mabuti na lamang at pumasok sa eksena si Mayor Isko Moreno at Vice mayor Honey Lacuna na siyang nagsalba at ngayon ay nagpapatuloy sa mga libreng serbisyong ito, bilang isa ring galing sa hirap at tunay na taga-Maynila.
Nakatutuwa rin na sa kanyang mga sariling kaparaanan ay ipinakikita ni Mayor Kois sa mga taga-Maynila ang kanyang pagkilala at pasasalamat sa mga ginawa ni Mayor Lim sa Maynila at para sa mga taga-lungsod.
Hindi niya tinangkang burahin ang mga nasabing proyekto sa isipan ng mga taga-Maynila at lalong hindi niya tinangkang agawin ang kredito gaya ng ginagawa ng ibang pulitiko. Alam kasi ni Mayor Kois na sarili niyang pagsisikap, angking talino at tiyaga ay tiyak na may iiwan din siyang legacy na tatatak sa mga taga-Maynila. Salamat Mayor Kois sa iyong kabaitan.
Kay Mayor Fred Lim, na aming naging malapit na kasa-kasama at kaibigan ni Itchie sa loob ng mahigit dalawang dekada, maraming salamat sa iyong magagandang alaala at sana po ay patuloy nating ipagdasal ang kanyang kaluluwa.
Condolence sa kanyang mga naiwang anak at kay Tita Gemma. Maraming salamat kay Nato Tarca, Levi Arce, Mark Ian Halili at Anne ‘Beverly’ Siojo Garcia sa kanilang personal na pagtulong kay Mayor Lim sa huling sandali.
***
Maaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon o impormasyon.