Advertisers
NITONG Hulyo, tinalakay ko na sa kolum kong Badilla Ngayon sa Saksi Ngayon ang panawagang huwag itaas ang matrikula sa mga unibersidad at kolehiyo para sa darating na pasukan sa Agosto.
Nagsimula ang enrollment noong Hunyo para sa sistemang distance learning, o online learning.
Panawagan ko sa mga may-ari ng mga unibersidad at kolehiyo saan mang panig ng bansa na “huwag kayong ganid sa pera, huwag itaas ang matrikula!”
Ganito ang sinabi ko sa Badilla Ngayon noong Hulyo:
“Ang pagkakaalam ko, taun-taon humihiling ang mga pribadong unibersidad at kolehiyo na itaas ang kanilang matrikula sa pasukan.
Madalas naman itong inaaprubahan ng Commission on Higher Education (CHEd).
Bago magkaroon ng iba’t ibang itsura ng “community quarantine” (CQ) sa iba’t ibang panig ng bansa dulot ng coronavirus disease -2019 (COVID – 19), napakaraming unibersidad at kolehiyo ang humiling sa CHEd na itaas ang kanilang matrikula ngayong pasukan, batay sa rekord ng CHEd.
Sa Agosto ay simula na ang pasukan ng mga unibersidad at kolehiyo na pasado na sa CHEd ang mga alituntuning mabibigay ng maksimum na proteksyon at kaligtasan sa kanilang mga mag-aaral.
Hindi man ako senador, kongresista, o sikat na tao, posisyon at panawagan ko na huwag itaas ang matrikula kahit ngayon lamang na napakatindi ng negatibong epekto ng ‘virus’ na pumasok sa ating bansa.
Kapag ginawa ito ng mga kapitalistang edukador, napakalaking tulong ito sa napakaraming magulang, kabilang na ako na may mga anak pang nag-aaral sa kolehiyo.
Syempre, hindi ito malaking kabawasan sa kabang yaman ng mga may-ari ng mga pribadong paaralan o ng mga kapitalistang edukador, lalo na doon sa mga pangkat ng relihiyosong tao na beterano na sa pagnenegosyo ng paaralan.
Kahit, ngayon lamang na panahong napakatindi ng epekto ng COVID – 19 sa mga magulang ng kani-kanilang mga estudyante ay pumayag ang mga kapitalistang edukador na huwag munang itaas ang matrikula.
Napakalaki na ng kanilang kinita sa napakahabang panahon.
Napakatagal na nilang nagpasasa sa napakaraming pera.
Kaya, marapat lamang na lumambot ang kanilang mga puso sa pagkakataong ito.
Nakatitiyak ako na kapag hindi itinaas ang matrikula ngayong semestre ay hinding-hindi mababawasan ang kita ng mga nagmamay-ari ng mga pribadong unibersidad at kolehiyo.
Hindi kailangang gamiting rason ng mga kapitalistang edukador na kailangan nilang itaas ang matrikula upang mapasahod at mabigyan ng kaukulang benepisyo ang kanilang mga guro at empleyado.
Kahit hindi magtaas ng matrikula, sigurado akong kaya pa ring pasahurin at mabigyan ng mga kaukulang benepisyaryo ang mga guro, sapagkat napakalaki pa rin ang papasok na pera sa mga unibersidad at kolehiyo.”
Maliban sa naging propesor ako sa kolehiyo ng mahabang mga taon, ako rin ay magulang na malaki ang matrikulang binabayaran para sa pag-aaral ng anak ko.
Bukod sa matrikula, pati samu’t saring laman ng miscellaneous fee ay binabayaran.
Walang masama na kumita sa negosyo sa panahong ito.
Ngunit, hindi naman dapat sobra-sobra.
Uulitin ko po mga kapitalistang edukador, kumita na kayo nang malaki bawat semester sa mga nakalipas na mga taon.
Ngunit, ngayong malaking balakid pa rin ang COVID-19 sa pagtatrabaho ay maaari bang huwag naman manatili kayong ganid sa pera.
Kaunting tubo ay sapat na.
Nakatulong pa kayo sa mga magulang na kapos na kapos ngayong mayroon tayong pandemya.