Advertisers
NAPILITANG lumabas ng bahay ang versatile na singer/comedienne na si Kitkat matapos ang higit limang buwang pananatili sa loob ng kanilang tahanan.
Kahit sa kanilang garahe raw ay hindi pumupunta si Kitkat mula nang nagkaroon ng lockdown sa Metro Manila. Ganoon siya kaingat para makasigurong iwas-Covid19, pati na ang mga mahal sa buhay.
Pero last Monday ay napilitan siyang lumabas ng bahay after five months and seven days dahil kailangan niyang pumirma ng kontrata para sa kanyang bagong daily show sa Net25.
“Opo may bagong show ako, own noontime show po namin ni Anjo Yllana, magsisimula very soon sa Net25, Eagle Broadcasting Corporation. Monday to Friday po siya… as of now ‘yun pa lang po muna ang masasabi ko.”
Pahabol na esplika pa niya, “Actually po, wala pa pong timeslot talaga, tito. Secret pa rin po ang title, hehehe.”
Pero malamang daw na late morning or bandang tanghali ang show nilang ito ni Anjo.
Ipinahayag din ni Kitkat na matindi ang epektong dulot sa kanya ng pandemic na ito, lalo na sa usaping financial.
Aniya, “Lahat po ng negosyo namin ay nagsara, parang bangungot po ang nangyari talaga at tuwing magbabayad ng mga bills at mga bayarin, super-nakakalungkot na paubos na ang ipon namin.”
Samantala, isa si Kitkat sa proud endorser ng Beautederm. Ang ipino-promote niyang produkto ng BeauteDerm ay ang Slender Sips Coffee and Juice, na bagay na bagay kay Kitkat dahil sa kanyang kaseksihan.
Thankful siya sa CEO at President ng Beautederm na si Ms. Rhea Anocoche-Tan dahil sa kabaitan nito at pagiging generous, hindi lang sa kanya, kundi sa iba pang ambassadors ng Beautederm.
“Napaka-blessed ko to have known Mommy Rei (tawag sa lady boss ng Beautederm na si Ms. Rhea) kasi mga anak ang turing niya sa amin. Lahat pantay-pantay, walang paborito, walang mas sobrang mahal. Lahat kami mahal niya at napaka-generous niya talaga.
“Super-suwerte ko na kaibigan ko na si Mommy Rei noon pa, kahit di pa siya kumukuha ng mga ambassadors niya. Basta masasabi ko lang, napakasuwerte ko dumating sa buhay ko si Mommy Rei,” sambit pa ni Kitkat. (Nonie V. Nicasio)