Advertisers
HINANGAAN ang isa sa mga Binibining Pilipinas 20202 candidates na matapang na nagbahagi ng kanyang pinagdaraanan sa buhay.
Kinilala ang kandidata na si Kimberly Anne Tiquestiques.
Dahil sa kinakaharap na pandemya, kakaibang preparasyon ang isinasagawa ng mga kandidata ng Binibining Pilipinas 2020. Isa na rito ang pagkakaroon ng video na nagpapakita ng kani-kanilang life stories.
Sa ulat, tubong Bulacan si Kimberly at panganay sa magkakapatid.
Hindi niya ikinahiya na produkto siya ng broken family at kasalukuyan silang kasama ng kanilang ama.
Maaga siyang nagsimulang magbanat ng buto.
Malaking bagay na siya ay matangkad kaya naman sa edad na 16, nakapag-trabaho na siya sa isang fast food chain at nagsimula narin ang modeling career niya.
Pangarap niya talaga ang maging isang beauty queen. Kaya isang napakalaking simula ng tagumpay na maituturing nang makuha niya ang titulo na Binibining Bulacan-Pilipinas 2019.
Isa sa mga rebelasyong naikwento ni Kimberly ay ang pagiging isang person under investigation noong Marso.
Tila nakaramdam daw siya umano ng ilang sintomas ng COVID-19 at dahil dito sumailalim sa 14 araw na isolation si Kimberly.
Nalampasan naman niya ang pagsubok na ito. Ngunit aminado ang pambato ng Bulacan na maging ang kanilang pamilya ay apektado ng krisis na dala ng COVID-19.
Kaya naman hindi siya nagdalawang isip na magtinda ng fish ball, kikiam at iba pang merienda upang makatulong sa gastusin ng kanilang pamilya.
Tulad ni Kimberly, diskarte at abilidad ang pinairal ng ilang mga kababayan nating labis na naapektuhan ng pandemya.
Kahit malayo na sa kanilang propesyon, iba’t ibang hanapbuhay na ang pinapasok ng ilang sa atin, maipagpatuloy lamang ang pagsuporta sa pamilyang umaasa sa kanila.(PTF team)