Advertisers

Advertisers

Mapabuti sana ng MECQ ang lahat

0 478

Advertisers

Ibinalik ang kamaynilaan sa ilalim ng Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) dahil na rin sa kapabayaan ng karamihan nang magluwag-luwag ang estado ng quarantine sa nakaraang dalawang buwan, kaya lumobo ng libo kada araw ang nahahawaan ng COVID-19.

Nalagay pa nga sa alanganin ang ating mga lider ng pamahalaan dahil sa pagod ng mga health workers ay nanghingi na rin ito ng “time out” upang makayanan ang laban sa nakamamatay na virus at inirekomendang ibalik ang Metro Manila at mga karatig bayan sa mas mahigpit na Enhanced Community Quarantine (ECQ).

Kaya para di naman makumprumiso ang ekonomiyang inaalagaan din, minarapat ng Pangulong Duterte at ng kanyang gabinete at ng Inter-Agency Task Force (IATF) on the Management of Emerging Infectious Diseases ilagay na lang kamaynilaan sa ilalim ng MECQ na may konting kagalawan ng mga tao at kalakal.



Ibig sabihin ibinabalik ang panuntunan na ang lalabas lamang ng mga tahanan ay yaong kukuha at bibili ng mga pangangailangan ng pamilya. Balik na rin ang quarantine pass upang makalabas ng bahay at makapagtrabaho rin ang iba. Siyempre, nandyan pa rin ang palagiang pagsusuot ng face mask, paghuhugas o paglilinis ng mga kamay at social distancing.

Sa loob ng dalawang linggong nasa ilalim tayo ng MECQ (August 4-18) sana ay may matindi na rin tayong contact tracing upang matukoy ang mga dapat maibukod sa karamihan o yung ina-isolate upang lalong maiwasan ang hawaan.

Ang sabi nga ni UP Professor Guido David PhD., hihigit sa labing-limang libong (15,000) katao ang maisasalbang mahawaan ng virus o mababawas sa kabuuang bilang ng mga nagka-COVID-19 ngayong buwan ng Agosto dahil sa MECQ. Mala-king bilang ito kung tutuusin, kaya maki-sama naman tayo at sumunod sa mga alituntuning mga pag-iingat. Pangalawa, nabigyan din natin ng time out o pahinga ang ating mga bagong bayaning mga health workers (doctors, nurses, atbp.) upang magkaroong muli ng lakas para harapin ang laban sa COVID-19.

Sa panahon din ng MECQ kailangan nating mapalakas din ang kapasidad ng ating mga ospital. Ang kanilang kakayahan na tanggapin ang lahat ng pasyenteng isusugod sa kanila nang dahil sa virus. Maging ang ating mga LGUs (local government units) ay magdoble sipag din sa pagbabantay ng kani-kanilang lugar, paghawak sa mga may kaso ng COVID-19 at sa pangungulit sa kanilang mga pasaway na residente na tayo ay nasa quarantine pa rin.

Marami kasi sa ating mga pasaway ay deadma lang, dahil hindi pa nila nararanasan magkaroon ng virus o kaya naman ay hindi pa nakaranas na namatayan ng kamag-anak, kakilala o kaibigan ng dahil sa COVID-19.



Kaya mahalaga rin ang palagiang pagpapa-alala sa ating mga kababayan na kailangan ingatan ang sarili sa pagsunod sa mga minimum health protocol upang di sila maidagdag sa istatistika o bilang ng mga namatay sa COVID-19. Sana nga mapabuti ng MECQ ang lahat, ngayong lagpas isang libo na ang nagpa-positive sa virus kada araw.