Advertisers
Ilang mga barangay sa lungsod ng Maynila ang napag-alaman na lalong nagpapahirap sa mga residente at mamamayan na batid nilang sobrang hirap at pagod na sa kasalukuyan nilang dinadanas.
Ang mga pagpapahirap na ito ay nag-uugat sa mga balagbag na resolusyon ng kani-kanilang mga barangay tulad ng pagpapasara ng mga kalye nilang nasasakupan kung kaya’t kailangan pang maglakad ng ubod ng layo ang mga tao patungo sa kanilang mga pakay.
Wala naman anilang basehan ang nilalagay na mga barikada o harang ng mga barangay na ito upang isara sa mga sasakyan at publiko ang mga major road at mga kalyeng patungo sa mga palengke at iba pang establisyimento.
Sadya yatang pinapahirapan ng mga ito ang mamamayan na di-kaila sa kanila ay sobra ng hirap at pasakit ang pinagdadaanan upang labanan ang covid-19.
Mapipigilan ba nila ang virus sa ginagawa nilang pagharang sa mga sasakyan gayong ganon din naman ang volume o dami ng mga tao nilang pinapapasok at pinapaglakad ng ubod ng layo patungo sa mga kalakalan.
Malaking tulong anila na makapasok rin ang kanilang mga sasakyan upang kahit papaano ay maibsan ang kanilang pagod at hirap sa paglalakad at pagbitbit sa kanilang mga dala-dalahan na ubod ng bigat.
Eh kung nandon na nga naman ang kanilang sasakyan ay wala na silang dapat na gawin kundi ikarga ang kanilang pinamili. Sa ganon paraan nga naman ay hindi masasayang ang kanilang oras, pagod at abala.
Tinatanong nga nila kung meron na bang ordinansa na nagpa-patupad ng social distancing sa mga sasakyan kung kaya’t ang mga ito ay di nila pinapapasok o dili kaya’y vulnerable sa virus. Ang lahat ng ito ay applicable lang sa mga tao at hindi sa mga sasakyan, di po ba?
Kung sa bagay nga naman, lehitimong matatalino ang mga opisyal at tauhan ng mga barangay na ito maski na pinapahirapan ang mamamayan ay kumikita naman ng malaki araw-araw na ginawa ng Diyos, bakit kamo?
Kasi nga ay may mga designated parking space ang mga ito na ang kalimitan ay mga bangketa na sakop ng kanilang barangay. Matic din siyempre na may mga tao rin silang naka-poste dito na kunway mga bantay ngunit walang ibang hinihintay kundi bayad ng mga motorista.
Sinisiguro rin ng mga ito na walang ibang hihimpilan ang mga sasakyan partikular na ang mga motor sa kadahilanang kinordonan na nilang lahat ng tali na may signage na no parking ang mga lugar na may posibilidad nilang pag-parkingan kaya walang lusot at pasok lahat sa kanila ang mga puntos.
Maaangas at superyor pang magsalita ang mga anak ng tupang itim na ito na hindi mo naman pwedeng sagutin dahil bukod sa baluwarte nila ay sila ang lumalabas na mga hari sa panahon ng pandemic.
Mahusay at magaling at marami talagang mga istilo ang mga hinayupak na ito lalo na sa pagkakakitaan, pera-pera lang nga naman at pwera damdamin tsk tsk tsk, sa halip na makatulong ay dinagdagan pa ang dalyos ng mamamayan at publiko.
Malaki ang posibilidad na walang ibang dinadasal ang mga ito kundi huwag na sanang matapos ang pandemic upang tuloy-tuloy ang kanilang gimik at pagkaka-perahan. Taliwas naman ito sa dalangin ng 90 porsiyento ng ating mamamayan na humihiling na matapos na ang pandemic kahit sila ay walang pinagkikitaan.
Ang mga barangay na ating tinutukoy sa ating isyu ay pina-pangunahan ng mga barangay sa Blumentrit partikular na ang mga nakapaligid sa Blumentrit market, ilan lugar sa Quiapo, Sta. Cruz lalo na sa kahabaan ng Rizal Avenue at ilan lugar din sa 1st district ng Tondo at Divisoria.