Advertisers

Advertisers

“HUWAG KAYONG ABUSADO” – ISKO

Babala sa pedicab, trike, e-trike drivers:

0 342

Advertisers

“HUWAG natin gipitin ang pasahero natin kung ayaw ninyong masalikwat ang sasakyan ninyo.”

Ito ang babala ni Manila Mayor Isko Moreno kasabay ng panghihikayat sa lahat ng mga drivers ng tri-wheeled public transport tulad ng pedicabs, tricycles at e-trikes, na huwag samantalahin ang kanilang mga pasahero sa pamamagitan ng pagsingil ng napakataas na pamasahe.

“Mabigat sa buhay ‘yan dahil panlalamang ‘yun.. pang-iisa yun. Lahat tayo mananagot sa Diyos pagdating ng araw,” saad ni Moreno.



Ayon sa ulat na natanggap ni Moreno ang mga pasahero ay sinisingil ng mula P80 hanggang P100 bawat isa sa kabila na ang napagkasunduang pamasahe lamang ay P20.

Ayon kay Moreno, pinayagan niya ang may 19,000 tri-wheel public transport drivers na mamasada sa lungsod sa kabila na may umiiral na modified enhanced community quarantine (MECQ) upang magkaroon sila ng hanapbuhay, at dapat na ituring nila ang pagkakataong ito na swerte dahil ang mga jeepney drivers ay di pa nakakabalik sa kanilang trabaho.

“Ang mga jeepney driver nganga na naman. ‘Wag ninyo tirahin ng P80 o P100. Etneb lang. Baka isang araw kayo rin ang mawala pag sobra na panggigipit ninyo sa taong gipit na. Gaya n’yo, gusto lang din nila maghanapbuhay,” pahayag pa ni Moreno.

Nabatid na inatasan na ni Moreno si social welfare department chief Re Fugoso na humanap ng paraan upang ang pamahalaang lungsod ay makapagbigay ng relief item sa may 5,000 jeepney drivers na nakabase sa lungsod.

Ayon pa kay Moreno sa tuwing sinisingil ang mga pasahero ng mula P80 hanggang P100 sa halip na P20 ay ninanakawan na ng mga tri-wheeled drivers ang mga ito ng kanilang makakain dahil ang isang complete meal sa fast food ay nagkakahalaga lamang ng P76.



“Kinuha na natin ang dapat niyang kainin tapos ipakakain natin sa anak natin. Mabigat sa buhay ‘yan. Sana ay ipakita natin ang pagmamahal sa kapwa sa panahon ng pandemya,” dagdag pa nito.

Mahigpit na babala ang ibinigay ni Moreno sa mga abusadong drivers na sila ay parurusahan ng naaayon sa batas dahil may mandato ang pamahalaang lungsod na protektahan ang publiko sa lahat ng oras. (Andi Garcia)