Advertisers

Advertisers

Echanis ‘di kabilang sa nasawi sa Novaliches – PNP

DNA test o finger prints ang magpapatunay

0 295

Advertisers

PINABULAANAN ng Quezon City Police District na si National Democratic Front of the Philippines consultant Randall Echanis ang isa sa dalawang brutal na pinaslang sa Novaliches nitong Lunes.
Sinabi ni QCPD Director, Brigadier General Ronnie Montejo, na kinilala sa inisyal na imbestigasyon ang dalawang biktima bilang Louie Tagapia, 48; at Manuel Santiago.
Sinabi ni Montejo na kinilala ng mga imbestigador ang mga biktima sa pamamagitan ng nakuhang identification cards sa crime scene.
Si Manuel Santiago ang inaangkin ni Erlinda Echanis bilang ang kanyang mister na si “Ka Randy”.
Base sa nakuhang ID, si Santiago ay senior consultant ng Innotech Solution International.
“Sa ngayon, unless otherwise na may proof na kung ano ‘yong sinasabi nilang pangalan, siguro sa ngayon manindigan tayo na si Manuel Santiago kasi ito naman ‘yong kakilala,” dagdag ni Gen. Montejo. “Lahat kasi iko-consider nating motibo. Maaaring robbery, akyat bahay… another angle na tinitignan natin aside doon sa iba pang tinigitgnan natin na puwede i-consider is personal grudge kasi ‘yong isa (Tagapia) may tattoo na Sputnik Gang.”
“Alam naman natin ‘yong mga gang mayroon din silang kakumpetensya at kalaban na gang kaya ‘yon ang mga tinitignan natin sa ngayon, pero di natin ibig sabihin na ‘di natin kino-consider ‘yong iba.”
“We are very much willing to work with anyone para malutas natin itong krimen na ito at mabigyan natin ng hustisya,” pahayag pa ni Montejo.
Iginiit ng QCPD na kailangan ng konkretong patibay na magsasabing ang isa sa lalaking pinatay ay si Echanis.
Ayon kay QCPD spokesperson Lt. Johanna Sazon, umapela siya sa mga kaanak ni Echanis na makipagtulungan sa mga awtoridad sa pagtukoy sa tunay na pagkakakilanlan ng bangkay na inaangkin nilang si “Ka Randy”.
Aniya, maaaring isagawa ang DNA testing or fingerprint para malaman ang totong identidad ng biktima.
Ngunit sinabi ni Erlinda, misis ni “Ka Randy”, na ang mister nga niya ang isa sa pinaslang sa Novaliches ng limang salarin.
Ibinunyag ni Erlinda na puwersahang kinuha ng mga pulis ng QCPD ang bangkay ng NDFP consultant sa isang punerarya sa Quezon Avenue, QC.
“More than ten policemen from La Loma PNP forcibly took the cadaver and will return it to Pink Petal Funeral Homes in La Loma, Quezon City under their custody,” ayon kay Erlinda.
Ngunit sinabi ni Sazon na hindi parin sapat ang positibong pagkilala ni Erlinda sa bangkay bilang kanyang mister.
Samantala, sa National Bureau of Investigation (NBI) na ipinaubaya ng Department of Justice (DOJ) ang pagtukoy sa pagkakilanlan sa bangkay.
“I will refer the question of identity re Echanis to the NBI forensic investigation division,” ayon kay Justice Sec. Menardo Guevarra.
Sinabi naman ni Usec Mark Perete, spokesman ng DOJ, na mainam na magsagawa ng forensic examination ang mga eksperto sa NBI dahil sa kinukuwestiyon ang pagkakakilalan sa biktima.
Kaugnay sa kasong ito, nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya kungsaan pilit kinukuha ng pamilya ang labi ni Echanis sa punerarya.
Sa nangyaring ito, mariing kinondena ng iba’t ibang militanteng grupo ang ginawang pagpatay sa mataas na lider ng NDFP. (Jocelyn Domenden/Ernie dela Cruz/Boy Celario)