Advertisers
INIHAYAG ni Senator Bong Go na maaaring pumasok ang independent bodies para tumulong sa paglilinis sa katiwalian sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) dahil ang hangarin naman ng gobyerno ay matuldukan ang korapsyon.
“Pwede naman ma-invite natin kahit ang mga independent bodies na tumulong sa kampanyang ito. After all, iisa ang hangarin natin sa iisang gobyerno natin—ang tuluyang matuldukan ang korapsyon,” ang sabi ni Go.
Idiniin ni Go na determinado si President Rodrigo Duterte na mawakasan ang sistematikong katiwalian sa pamahalaan, partikular na sa PhilHealth.
Hinimok ni Go, chair ng Senate committee on health, ang lahat ng ahensiya ng gobyerno na makipagtulungan at suportahan ang gagawing imbestigasyon ng task force.
Ipinaliwanag niya na nilikha ito para talupan ang umano’y mafia at iregularidad PhilHealth at isunod ang iba pang ahensiya ng pamahalaan na may nakasistema nang korapsyon.
“Kaya nga po Task Force ang binuo. This will be a focused and targeted whole-of-government approach to fight corruption. Magtutulungan ang mga ahensya ng gobyerno para linisin at gamutin ang sirang sistema na nababalot ng corruption,” ani Go.
Pangungunahan ang task force ng DOJ at naniniwala ang senador na sa pagpasok ng independent bodies ay hindi makokompromisa ang trabaho nito.
“The task force may simply orchestrate the efforts of various agencies with a single mandate to eradicate deep-seated and systemic corruption using a focused and targeted approach,” anang senador.
“Sabi ng Pangulo, kailangan mayroon talagang isang task force na may ngipin, at ‘yung ngipin na ito dapat mangangagat talaga ito, talagang tatalab mismo. Kasi kung walang ngipin itong Task Force na ito, walang katapusan ito. At ang sabi ng Pangulo, hindi raw s’ya titigil na lalabanan ang korapsyon,” ani pa ni Go. (PFT Team)