Advertisers
INIHAYAG ni Senator Bong Go na natapos na ng Russia ang phase 3 o ang huling clinical trials ng nilikha nitong bakuna laban sa coronavirus disease (COVID-19) at tiniyak niya na malalim na nakikipag-ugnayan ang Pilipinas sa nasabing bansa para magkaroon ng access ang mga Filipino sa supply nito kapag nailabas na.
Ibinahagi ni Go na si Igor Khovaev, ang embahador ng Russian Federation sa Pilipinas, ay nagsabi sa isang liham na ang Russia ay malapit nang makumpleto ang paggawa ng bakuna laban sa COVID-19.
Kinumpirma ni Khovaev na ang Russia ay matagumpay nang nakumpleto ang clinical trials (phase 3) para sa unang bakuna sa mundo laban sa COVID-19.
“Nagpahiwatig ang Russian government, through Ambassador Igor Khovaev, na natapos na nila ang clinical trials, ang phase 3, para sa vaccine against COVID-19. Kasalukuyang inaayos na lang ang mga government registration papers nito,” ani Go.
“Tatlong bagay ang nasa offer ni Ambassador Khovaev. Una, na dito rin sa Pilipinas mag-conduct ng clinical trials. Magsu-supply din sila sa atin ng bakunang ito kontra COVID-19. At, pangatlo, plano nilang mag-set up ng local manufacturing dito mismo sa bansa natin,” kumpirma niya.
Ang bakuna, na may trade name na “Avigavir”, ay binuo ng National Research Center of Epidemiology at Microbiology sa ilalim ng NF Gamaleya ng Russian Ministry of Health.
Nauna na itong matagumpay na nakabuo ng bakuna laban sa Ebola fever at Middle East Respiratory Syndrome (MERS) na virus.
Ang bakunang pananaliksik ay suportado ng Russian Direct Investment Fund (RDIF). Iminungkahi ng RDIF na itaguyod ang pakikipagtulungan sa Pilipinas sa paggawa at pamamahagi ng COVID-19 vaccine.
“Dahil sa maayos na independent foreign policy of ‘being an enemy to none and a friend to all’ ni Pangulong Duterte, nasisiguro ng pamahalaan natin na meron tayong access sa development at, eventually, mga supply ng bakuna kontra COVID-19 mula sa mga bansa na itinuturing nating mga development partners,” paliwanag ni Go.
Ipinagmalaki ni Go na dahil ito sa independiyenteng patakarang panlabas ni Pangulong Duterte na nakaangkla sa pambansang patakaran sa seguridad at nakabalanse sa kapakanan at kagalingan ng mamamayang Filipino.
Ibinahagi din ni Go na maging si Philippine Ambassador to the United States, Jose Manuel Romualdez, ay nagsabing hinihimok ni US Secretary of State Mike Pompeo ang dalawang tagamanupaktura ng bakuna na makipagpulong sa Pilipinas.
Sinasabing interesado ang Novavax na maging co-manufacturer ng COVID-19 vaccines sa Pilipinas.
Sa kanya namang nakaraang Nation Address noong July 27, sinabi ni Pangulong Duterte na tiniyak ni Chinese President Xi Jin Ping na magkakaroon ng access ang Pilipinas sa Chinese vaccine kontra COVID-19 kapag nakahanda na rin ito.
As of August 7, may 6 bakuna na ang nasa Phase 3 trials, ayon kay Michael Ryan, executive director ng World Health Organization – Health Emergencies Program.
Ang Phase 3 trials ay isinasagawa na may kinalaman sa pangkalahatang populasyon at hinihiling bago magamit sa publiko ang anumang bakuna na ginawa upang masiguro ang kaligtasan nito. Ang mga ito ay idinisenyo upang matukoy kung ang bakuna na nabuo ay maaaring maprotektahan ang malaking bilang ng mga tao sa mas mahabang panahon. Ang mga nakaraang trials ay nakatuon sa kaligtasan, immunogenicity at immune response sa isang mas maliit na bilang ng mga tao.
Sa ngayon, hindi bababa sa 165 bakuna laban sa COVID-19 ang binubuo sa ilalim ng iba’t ibang yugto ng pagsubok. May 26 dito ang nasa ilalim na ng clinical trials.
Noong nakaraan, hinimok ni Go ang pamahalaan na magkaroon ng isang pambansang programa ng bakuna at tiyaking unang mabibigyan ang mahihirap.
“Huwag sana pabayaan ang mga mahihirap. Paghandaan na natin ngayon palang. Magtabi na tayo ng budget para masigurong kakayanin ng gobyerno na matulungan ang pinakanangangailangan. Magkaroon po tayo ng plano kung saan dapat pantay-pantay at hindi lang ang mga may kaya sa buhay ang makakakuha,” ani Go.
“Patuloy po nating hinaharap ang epekto ng pandemya sa ating buhay. Bigyan natin ang ating mga kababayan ng balitang mas magpapalakas ng kanilang loob. If everything goes according to plan, we will soon overcome this crisis as one nation,” pahayag ng senador. (PFT Team)