Advertisers
NAIS ni Vice President Leni Robredo na suspindehin ang mga top officials ng PhilHealth na inaakusahan ng korapsyon.
Ayon kay Robredo, dapat suspindehin ang mga opisyal upang makabwelo ang mga mag-iimbestiga at upang maipakita ng pamahalaan na seryoso na sugpuin ang korapsyon.
Kinuwestyun din ni Robredo ang mga anti-corruption bodies kung bakit hindi nila naamoy ang anomalya sa PhilHealth upang hindi na lumala pa.
Bumuo na si Pangulong Rodrigo Duterte ng Task Force PhilHealth na siyang tututok sa imbestigasyon.
Samantala, nagpaabot na ng mensahe sina PhilHealth President Ricardo Morales at PhilHealth Executive Vice President Arnel de Jesus na hindi makakadalo sa Senate Inquiry dahil sa kanilang medical condition.
Samantala, maging si Sen. Bong Go ay pabor na suspindehin ang mga sangkot na opisyal ng Philhealth habang umuusad ang imbestigasyon. (Jonah Mallari)
***
Sen. Drilon: Administration ni Duterte may attitude problem (WINDOW)
MAY problema umano sa pag-uugali ang administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa patuloy nitong pagtanggi na may problema sa ginagawa nilang hakbang kontra COVID-19.
Sinabi ito ni Senate Minority Leader Franklin Drilon bilang paghahayag ng pagkadismaya sa pagtanggi ng pamahalaan na hindi maituturing ang Pilipinas bilang COVID-19 hotspot sa timog-silangang Asya.
“Sa akin, talagang may problema ang kanilang attitude. Unang-una, hindi mo maiwasan na ang ating bansa ay nangunguna sa contamination. Tayo rin ang malaki ang contraction ng ekonomiya. Ngayon sinasabi nila na hindi totoo na number one tayo (sa may pinaka mataas na COVID-19 cases sa Southeast Asia),” ayon sa senador.
Pahayag ni Drilon, hindi naman contest ang pandemya sa COVID-19 na kailangang mag-unahan ang mga bansa sa paramihan ng mga naitatalang kaso kung hindi laban ito ng healthcare system.
Matatandaang inihayag ni Inter-Agency Task Force (IATF) at Presidential spokesman Secretary Harry Roque na hindi nauungusan ng Pilipinas ang Indonesia sa may pinakamaraming kaso ng COVID-19.
Ayon kay Roque, kaya dumarami ang naitatalang bilang ng mga aktibong kaso ay dahil sa mas malakas na testing capacity ng Pilipinas kumpara sa Indonesia.