Advertisers
PATAY ang isang driver nang maaksidente ang minamaneho niyang truck na may dalang concrete girder sa Quezon City, Sabado ng gabi.
Tila nayuping lata ang harapan ng truck matapos bagsakan ng mismong kargang concrete girder.
May bigat na 40 tonelada ang concrete girder, na ginagamit sa mga column ng tinatapos na Skyway Stage 3 project.
Ayon kay Don Michael Bayangos, search and rescue operations supervisor ng Quezon City disaster office, 11:00 nang makarating sila sa accident site sa may E. Rodriguez Avenue para subukang iligtas ang driver pero hindi na ito rumeresponde at kalaunan ay binawian na ito ng buhay. Inabot ng 3 oras ang retrieval operation.
Sa ulat, patungo ang truck sa Skyway Stage 3 project sa Sgt. Rivera Street at may iniwasang sasakyan kaya naapakan ang preno. Dahil sa sobrang bigat ng kargang concrete girder, dumulas ito paabante at natulak ang tractor head at naipit ang driver.
Hindi naging madali ang pag-rescue sa driver. Kinailangan pa ng mga hydraulic-powered na gamit tulad ng spreader at cutter. Kinailangan din maiangat ang tone-toneladang konkreto sa ibabaw ng truck.
Tumanggi munang magbigay ng pahayag ang pamunuan ng trucking company.
Bandang 4:00 ng madaling araw nitong Linggo nang mailipat sa ibang truck ang concrete girder at muling naging normal ang daloy ng trapiko. (Boy Celario)