Advertisers
INATASAN ni Pangulong Rody Duterte ang Department of Justice (DoJ) na bumuo ng special task force na mag-iimbestiga sa mga nangyayaring katiwalian sa mga ahensiya ng pamahalaan.
Kasama sa task force na ito, na pamumunuan ng DoJ, ang Office of the Ombudsman, Commission on Audit (CoA), Civil Service Commission (CSC), Office of Executive Secretary (OES), at Presidential Anti-Crime Commission (PACC).
Ang kanilang mandato: magsimula ng imbestigasyon mula itaas hanggang sa ibaba, magsagawa ng audit at lifestyle check, magrekomenda ng suspension, mag-prosecute at mag-file ng kaso, at tiyakin na makulong ang mga sangkot sa korapsyon.
Ang galing nito… KUNG WALANG SISINOHIN. Kasi baka matulad lang ito ng sinabi ni dating Pangulong Joseph Estrada na “Walang kumpa-kumpare, walang kaibigan at walang kamag-anak”. Pero at the end ay sila-sila pala ang magkakasabwat sa pandarambong.
Ang pagbuo ng special task force na ito ay sagot ni Pangulong Duterte sa sunud-sunod na isyu ng mga koraspyon sa kanyang 4-anyos na administrasyon.
Ang pinakabagong pumutok na nakawan sa ahensiya ng gobyerno ay ang P15-billion anomaly sa Phillippine heath (PhilHealth) Insurance Corp na kinasasangkutan ng executive committees, kungsaan mismong mga kasamahan din nilang opisyal ang nagbulgar.
Ang PhilHealth ay nabubuhay sa P71 billion yearly subsidy ng gobyerno at kontribusyon ng 82 milyong miyembro. Sandalan ito ng mahihirap nating kababayan na mga walang pambayad sa ospital kapag nagkakasakit.
Kapag nabangkarote ang PhilHealth, na ayon sa nabunyag sa Senate inquiry ay hanggang 2021 nalang ang pondo, hindi narin gagana ang Universal Health Care (UHC) para sa lahat ng Pinoy.
Kaya dapat mabawi ang P15 bilyong kinulimbat ng mga opisyal ng PhilHealth na pinamumunuan ng isang retired Army General na may pangalang Ricardo Morales.
Si Morales ay nag-abiso sa Senado na hindi na makadadalo sa sunod na pagdinig dahil sasailalim daw ito sa chemotheraphy. Bigla siyang nagka-cancer. Tsk tsk tsk…
Tinukoy ding kakalkalin ng task force ang katiwalian sa Bureau of Customs, ang ating taga-bantay ng mga pumapasok na mga produkto mula sa ibang bansa.
Ang Customs ay kilalang pugad ng mga korap. Sabi nga, kapag napasok ka rito tiyak lalabas kang multi-millionaire.
Dahil sa mga tiwali sa Customs, nakakapasok sa bansa ang mga kontrabando partikular illegal drugs (shabu).
Sa Bureau of Immigration matindi rin ang katiwalian kaya nakakapasok sa bansa ang undocumented Chinese nationals na nagtatrabaho sa mga POGO, prostitution dens, at drug lords.
Dapat ding imbestigahan ng special task force ang Department of Education (DepEd) na sinasabing nag-release ng P9 bilyong pondo para sa pag-reproduce ng modules ng mga estudyante. Pero ni singko ay wala raw nakarating sa mga titser.
Oo! Ang mga guro ay kinapalan ang mukha ng pagso-solicit sa kanilang mga kakilala, kaibigan at alumni para magkaroon ng bond papers at ink para sa reprinting ng modules para sa mga mag-aaral ngayong school year.
Again, hindi sana moro-moro lamang ang gagawin ng special task force na ito.
Goodluck, DoJ Sec. Menardo Guevarra…