Advertisers
PINAIIMBESTIGAHAN ni Senador Imee Marcos ang nakaaalarmang pagtaas ng kaso ng child sex abuse sa online mula nang ipatupad ang mga lockdown kontra sa pagkalat ng COVID-19 pandemic.
Sa inihaing Senate Resolution 487, pinabubusisi ni Marcos ang lumalaking bilang ng mga kaso ng online child pornography na nag-triple mula Marso hanggang Mayo kumpara noong nakaraang taon, base na rin sa report ng Department of Justice at Department of Social Welfare and Development.
Ang Pilipinas ang sinasabing “global epicenter of the live-stream sex abuse trade” at ang nangungunang pinanggagalingan ng child pornography, ayon sa ulat ng United Nations Children’s Fund (UNICEF).
Ang pagkaaresto sa American pedophile na si Michael Kent Clapper, ayon sa tip na binigay ng US Embassy sa Manila, ay isa lamang sa mga police operation mula ng lockdown noong Marso, maliban pa sa pagsagip ng Philippine Internet Crimes Against Children Center sa 34 na menor de edad sa Luzon hanggang Mindanao na ginamit sa online pornography.
Sinabi ni Marcos na napapabayaan ng mga telecommunication companies at internet service providers (ISPs) ang kanilang obligasyon sa ilalim ng batas na protektahan ang mga bata kontra sa mga pag-abusong sekswal gamit ang internet, partikular na ang paglalagay ng teknolohiyang magmomonitor at haharang sa mga letrato at live pornography online.
“Wala man lang tayong narinig na mga babala mula sa ating mga telcos at ISPs, at pinabayaan na lang ang gobyerno na umasa sa mga foreign authorities,” pahayag ni Marcos.
Una nang nagbabala ang Europol, ang law enforcement agency ng European Union, na kabilang ang mga online learning applications ay paraan ng mga mahilig sa pornograpiya para abusuhin ang mga bata, bukod pa sa online gaming, chat groups at iba pang pag-contact sa social media. (Mylene Alfonso)