Advertisers
INANUNSYO ni Labor Secretary Silvestre Bello III na inaprubahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagre-release ng karagdagang P5 bilyon para sa pagpapauwi at pagbibigay ng assistance sa mga overseas Filipino workers (OFWs) na apektado ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
“Dahil po mahal na mahal ni Pangulong Duterte ang ating mga bagong bayani, ibinigay po niya ang kailangan nating dagdag na pondo para sa repatriation at tulong para sa ating mga OFW,” ayon kay Bello.
Sinabi ng kalihim na malaking bahagi ng naturang bagong pondo ay ire-release sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na siyang nagsasagawa ng repatriation sa mga OFWs na na-displaced on-site dahil sa lockdowns at pagsasara ng mga establisimyento na kanilang pinagtatrabahuhan sa ibayong-dagat.
Bukod aniya sa repatriation assistance, ang OWWA din naman ang sasagot sa isasagawang COVID-19 tests ng mga OFWs sa pagdating ng mga ito sa bansa, gayundin sa kanilang pagkain at akomodasyon sa mga hotel habang naghihintay ng test results, at gastusin sa pagbiyahe nila pauwi sa kani-kanilang lalawigan, sa sandaling magnegatibo na sila sa virus.
Kasabay nito, iniulat din ng ahensiya na nasa halos 130,000 OFWs na ang napauwi nila hanggang Mayo 15, sa pamamagitan ng land, sea at air transport.
Ang pinakahuling batch aniya na nasa 1,185 OFWs ay umuwi lamang nitong Sabado.
Nabatid na bukod naman sa mga tulong na kaloob ng OWWA, nagbibigay din ang DOLE ng one-time na cash aid na P10,000 o $200 sa mga pandemic-affected OFWs, sa ilalim ng kanilang programang AKAP. (Andi Garcia)