Advertisers
BILANG pagkilala, pagpupugay at pakikidalamhati ng buong lungsod ng Maynila sa pagkamatay ni dating Mayor Alfredo S. Lim noong Sabado ng hapon ay inutos ni Manila Mayor Isko Moreno ang pagpatay ng ilaw sa Tower Clock ng Manila City Hall.
Nag-ere rin ng kanyang mensahe ng mga pakikiramay si Moreno sa kanyang FB live broadcast sa pagkamatay ng tunay na naging ama ng Maynila.
Sa mensahe ni Moreno ay binanggit nito ang napakaraming nagawa ni Lim sa lungsod kabilang na ang pagtatayo ng mga districts hospitals, unibersidad at ang buong tapat na paglilingkod sa mga taga-Maynila kung saan patas na pinaiiral ang batas.
Sinabi pa ni Moreno na hanggang sa huli ay pinagsilbihan ni Lim ang Maynila sa pagpapaalala nito na mag-ingat ng husto dahil walang sinisino ang COVID.
Samantala ay inilagay sa half-mast ang watawat ng National Bureau of Investigation (NBI) bilang pakikipagdalamhati sa pagpanaw ni Lim.
Si Lim ay naging Director ng NBI noong Disyembre 23,1989 hanggang Marso 20,1992.
Sinabi ni NBI OIC Eric Distor, sa kabila na wala na sa NBI patuloy pa rin si Lim na naging bahagi ng ahensiya.
Tiniyak ni Distor na mami-miss si Lim sa NBI dahil patuloy itong dumadalaw kapag anibersaryo, Pasko at iba pang mahahalagang okasyon.
“In honor of Mayor Lim, the NBI will observe Half-mast of the Philippine flag in the head office and all its Regional and District Offices across the country,” ayon kay Distor. (Andi Garcia)