Advertisers
NAMATAAN ng isang netizen ang limang persons with disability (PWDs) na naglalakbay gamit lamang ang kani-kanilang wheelchair.
Sa ulat, mula pa sa Pangasinan ang limang PWDs na pauwi ng Rizal nang makita ng nag-post na netizen.
Dahil sa community quarantine, walang masakyan ang mga ito para makaluwas patungo sa kanilang destinasyon.
Kaya naman nagdesisyon silang mag-wheelchair na lamang para makauwi.
Ayon pa sa netizen na si Ike Nicdao na nakakita sa lima sa Barangay Paniqui, Tarlac, tinapay lamang ang baon ng mga PWD na matapang na binabagtas ang highway sa kabila ng mga rumaragasang sasakyan.
Binahagi ito ni Ike upang makapangalap ng tulong sa mga ito at mas mapadali sana ang kanilang pag-uwi sa Cainta, Rizal.
Ayon sa ulat, lumihis na ang isa sa limang ito na pauwi naman sa probinsya ng Quezon.
Nitong Agosto 6, makalipas ang nasa limang araw na nilang paglalakbay, namataan na sila sa Calumpit, Bulacan, bandang MacArthur Highway sa Malolos.
Suot ang kanilang faceshield, payong lamang ang pananggalang nila sa init habang nasa likod naman ang kanilang mga gamit.
Kwento pa ng grupo, paminsan-minsan narin silang namamalimos mairaos lang ang gutom at uhaw.
Hangad ng marami na mayroong may mabuting puso na makapaghahatid sa mga ito o di kaya ay makarating ang grupo ng walang naaksidente o may sakit.(PTF team)