Advertisers
MAGPAPATULOY pa ng komprehensibong training ang national team ng table tennis na literal na social distancing dahil hiwa-hiwalay ang kanilang training venues na hahataw matapos ang Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ).
Ayon kay Philippine Table Tennis Federation, Inc. president Ting Ledesma, inihahanda na niya ang mga aktibidad ng kanyang pinamumunuang national sports association partikular ang magiging training venues at quarters ng kanilang atletang tablenetters upang makabalik na sa dating husay, presisyon at motibasyon ng kanyang mga pambatong atleta matapos na matengga ang lahat ng programa sa sports dahil sa outbreak ng coronavirus.
Ang kanilang linya ng komunikasyon sa pagitan ng PTTF, atleta at mga counterparts na federations sa ibang bansa sa kasalukuyan ay sa pamamagitan ng Zoom meetings at messengers habang nakapailalim ang bansa partikular ang Metro Manila sa community quarantine upang masugpo ang pagkalat ng Covid-19 pandemic.
Ang Philippine table tennis ay umani ng mataas na respeto sa larangan ng pingpong sa mundo ng sport sa timon ni Ledesma na isa ring naging premyadong miyembro ng national team noong kanyang peak bilang atleta kung kaya pinagsisikapan nitong umangat pa ang kanilang estado sa international ranking at ang misyong maka-produce ng international medalists at Olympian mula sa kanilang hanay sa parating na new normal na estado ng larangan ng palakasan.
Ang larong table tennis ay isa sa mga sports na inaasahang pahihintulutan na ng IATF na maipagpatuloy ang mga aktibidad matapos ang MECQ sa suporta ng Philippine Sports Commission at Philippine Olympic Committee dahil di naman ito contact sport at may distansya bawat manlalaro na isa sa ipinatutupad na health protocol ng new normal.
Binubuo ang national men’s team nina Richard Gonzalez, Jann Mari Nayre, John Russell Misal, Japeth Adaza at John Michael Castro habang sa distaff side ay kinabibilangan nina Jannah Romero, Emmy Rose Dael, Rose Jean Fadol, Kheith Rynne Cruz at Angel Joyce Laude.
Sina Nayre at Cruz na kapwa Olympic hopefuls ay nasa marubdob na training sa timon ni Korean coach Kwon Misook.
Pinapurihan din ni Ledesma ang kanyang magigiting na atletang gumanap nang makabayang papel bilang frontliners sina Misal at Fadol sa kasagsagan ng pandemya.(Danny Simon)