Advertisers
PUMANAW nang hindi nalaman ang naging karamdaman ng isang dalaga sa Parañaque City matapos na tanggihan ng limang ospital na pinagdalahan sa kanya.
Sa ulat, namimilipit sa sakit ng tiyan ang dalaga na hindi na pinangalanan kaya naisipan nang dalhin ng kanyang mga kaanak sa pagamutan.
Sa kasamaang palad, sa limang ospital na pinagdalahan dito, wala ni isang nagtangka tumingin sa dalaga.
Ayon sa tiyuhin ng dalaga na si Danilo Ewican, katwiran ng mga ospital ay hindi raw magawang tanggapin o tingnan ang kanyang pamangkin dahil baka mahawa lamang ito ng COVID-19.
Sinabi ni Ewican na sana manlang ay may isang tumingin sa pamangkin at nabigyan manlang ito ng kahit na paunang lunas.
Dala ng sobrang pagod, minabuti na lamang nilang iuwi ang dalaga na noo’y hinang-hina na sa kanyang nararamdaman.
Halos hindi na raw ito makasalita ng maayos at lalong lumala ang kalagayan hanggang binawian ng buhay.
Sa sama ng loob ng kanyang mga kaanak, nasambit ng tiya nito na sana raw COVID-19 nalang ang karamdaman ng pamangkin at baka sakaling naasikaso pa ito sa ospital.
Magsilbing aral aniya ito sa mga pagamutan na hindi lamang COVID-19 ang maaring iinda ng mga tao sa ngayon.
Wala raw sanang papanaw pang muli dahil lamang sa pagtanggi ng ilang ospital.
Ayon sa Unihealth Parañaque, isa sa mga ospital na pinagdalhan sa dalaga, hindi sila tumatanggi sa kahit na sinong pasyente kaya naman papaimbestigahan nila ang nangyari na ito sa dalaga.
Hindi ito ang unang beses na pumanaw ang pasyente dahil sa pagtanggi ng mga ospital sa katwirang baka lalong mahawa ang mga ito sa mga COVID-19 patient na naroon.
Noong Abril, isang bagong silang na misis ang tinanggihan din ng anim na ospital at ‘di nagtagal ay pumanaw din.
Anim na oras na naghanap ng pagamutan ang misis ngunit hindi na nito kinaya hanggang sa binawian na ng buhay.
Ilang araw lamang matapos ang insidenteng ito, dalawang bata ang ‘di rin tinanggap sa ilang pagamutang kanilang pinuntahan sa takot daw na mahawa ang mga ito sa COVID-19.(PTF team)