Advertisers
NASABAT nitong Miyerkules ng mga awtoridad ang nasa P80 milyon halaga ng mga ipinuslit na pekeng face masks at sigarilyo sa isang warehouse sa bayan ng Marilao, Bulacan.
Ayon kay Bureau of Customs Commissioner Rey Leonardo B. Guerrero, sa bisa ng letter of authority, sinalakay ng mga tauhan ng Customs Enforcement and Security Service ang warehouse sa Barangay Santa Rosa, kasama ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Natuklasan sa lugar ang 648 kahon ng mga pekeng N-95 mask na handa na sanang i-deliver sa merkado.
Bukod sa peke, nilagyan din umano ng mga disenyo at logo ng ilang sikat na luxury brand ang masks.
Nakuha rin sa warehouse ang 1,000 master cases ng sigarilyo.
Dinala na sa Port of Manila ang mga produkto para sa imbentaryo at imbestigasyon.
Hindi tinukoy ng Customs kung sino ang may-ari ng sinalakay na warehouse at kung sino ang nagpalusot sa kontrabando. (Thony D. Arcenal)