Advertisers
SA ika-5 State of the Nation Address ni Presidente Rodrigo Roa Duterte, bukod sa Death Penalty na hiniling niya sa Kongreso na unahing isabatas, tinukoy niya ang madaliang pagpapasa ng New Land Use Act na ilang dekada nang hindi inaaksiyonan ng mga mambabatas.
Napansin ng Pangulo na napakabilis ng pagkaubos ng mga lupaing agrikultura, ubos na ubos na ang kagubatan at maraming bundok na ang pinapatag, at nawawasak ang environment bunga ng malawakang ilegal na pagmimina, pagtotroso at ang pagpapalit-gamit ng lupa.
Ito ang dahilan kaya “urgent” ang pagsasabatas ng New Land Use Act o pagpapalit ng gamit ng lupa.
Ayon sa pag-aaral noong 2013, umaabot sa 123,000 ektaryang lupang kagubatan ang nakakalbo at kung hindi ito mapipigilan, sa 2036, wala nang matitira pang kagubatan ang Pilipinas.
Tayo ay magiging isang kagubatang sementado, kongkreto sa dami ng nakatayong mga gusaling industriyal, komersiyal, residensiyal at posibleng pati ang malawak nating tubig-dagat ay matabunan upang tayuan ng tahanang bato.
Malawak na nga ang pagkawasak ng ating lupang sakahan at kagubatan bunga ng walang maayos na batas at alituntunin gagabay sa pagpapalit-gamit sa ating lupa.
***
Tandaan na dahil sa deforestation, mahigit sa 8,000 katao ang namatay sa kagimbal-gimbal na delubyong pagbaha sa Ormoc City noong 1991 at may 3,000 bangkay ang hindi na nakita pa.
Sino ang salarin sa kahapisang inabot ng mga mamamayan ng Leyte?
Sila ay ang mga taong gobyerno kasabwat ang mga ilegal na logger at minerong kumalbo sa kagubatan at kabundukan ng lalawigan.
Wala tayong nababalitaang nakasuhan o naparusahang “kriminal” na may kagagawan ng trahedyang ito.
***
Noong 1521, sa pagdating ni Ferdinand Magellan, 95% ng bansa ay nababalutan ng maberde, napakayamang kagubatan at kabundukan, pero bunga ng malawakang ilegal na pagmimina, pagtotroso at ang pagpapalit-gamit ng lupa, 36 na taon mula ngayon, kungdi mababago ang kasakiman sa walang matinong paggamit sa lupa, hindi malayong maging tulad ng disyerto ang ating bansa.
Patunay nito, halimbawa sa Palawan, natuklasan noong 2001, sa kabila ng Proclamation 835 na nagbabawal sa deforestation ng lalawigan, umabot na sa 15,000 ektarya ang kinalbo sa kagubatan na ginawang palm oil plantation.
Sa patuloy na pagwawasak sa kagubatan at kapaligiran ng maberde at matulaing Palawan, 22 uri ng likas na uri ng ibon ang naglaho na; 19 na uri ng mammals ang nauubos at 24 na uri ng reptilya ang kinakatukatang tuluyang mamatay ang kauri at wala pa rito ang mga uri ng likas na uri ng kakaibang punongkahoy, mga halaman, damo, bulaklak at marami pang buhay sa kagubatan ang ganap na maubos.
Pero ang walang taos at walang pigil na pagkalbo at pagwasak sa kalikasan dahil sa kasakiman sa pagkamal ng salapi ng iilan ay dapat na mapigilan.
Napapanahon nang pigilan ito at tama ang naisin ni Duterte na madaliang isabatas ang New Land Use Act.
***
ITONG kaso ni dating Zamboanga del Norte Congressman Seth Frederick “Bullet” Jalosjos ay masasabi nating “weird” o kundi man ay dapat mailagay sa “Believe It or Not?”
Kaya weird ang kasong ito kasi yung kidnap victim daw na si Rosita Jalosjos na tiyahin ni Bullet ay mariing itinatanggi na kinidnap siya.
Isa pang kataka-taka, yun daw anak ni Rosita, na si Allan ay kasabwat ni Bullet sa pagkidnap?
Ayon sa rekord ng kaso, una nang dinismis ang kaso sa piskalya pero sa hindi malamang dahilan ay muling naisampa ang kaso at iyon nga, inisyuhan si Bullet ng warrant of arrest ni Judge Dondoyang ng Dipolog regional trial court.
Naka-docket ang usapin bilang Criminal Case no. 23649.
Sa interbyu ng local media, malinaw na sinabi ni Rosita na hindi siya kinidnap ng pamangking si Bullet.
Walang ginawang masama sa kanya si Bullet, sabi ni Rosita, at siya ay mahusay na tinrato ng pamangking si Bullet sa Dakak Resort.
Nangangamoy politika ang kasong ito, kasi, ayon sa mga balita, ang nagdemanda kay Bullet ay mga political enemies nito.
Kung mismong si Rosita Jalosjos ay itinatanggi na kinidnap siya ng pamangking si Bullet, sa ano’ng dahilan at basehan at kinasuhan at may warrant of arrest pa ang dating kongresista?
Sa 2022 pa ang local elections pero amoy na amoy politika ang kasong ito.
Matatandaan na si Bullet ay tumakbong gobernador sa Zamboanga Del Norte pero hindi sinuwerte.
May inihaing urgent motion to review ang kampo ni Bullet sa Department of Justice at, tiwala ang dating kongresista na mapagbibigyan siya na bawiin ang warrant of arrest laban sa kanya.
Weird nga, kasi paano kang makakasuhan kung mismong ang victim ay tumatangging siya ay kinidnap?
Abangan natin ang magiging desisyon ng DOJ.
***
Para sa inyong suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com.