Advertisers
HINDI na umano maaring palawigin pa ang Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) sa Metro Manila at karatig na lugar dahil sa matinding epekto nito sa ating ekonomiya.
Sa Laging Handa Press briefing, sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na hindi na kakayanin pa ng ating ekonomiya ang mas matagal na lockdown.
Magugunitang sinabi ni Prof. Guido David ng University of the Philippines (UP) na kailangan ng isang buwan na lockdown upang ma-flatten ang curve tulad ng ginawa sa Cebu City at hindi umano sapat ang 14 na araw.
Paliwanag naman ni Roque, ang 14-araw na MECQ ay hindi upang ma-flatten ang curve kundi upang mapagbigyan ang hiling na “time out” ng medical community at upang makapag-isip ng bagong strategy at re-grouping ang pamahalaan.
Dagdag pa ni Roque, matatagalan pa bago mawala ang covid-19 kaya dapat matutuhan natin na ingatan ang kalusugan upang magkaroon ng kabuhayan.
Ang buong Metro Manila, Cavite, Laguna at Rizal ay isinailalim sa MECQ mula Agosto 4 hanggang Agosto 18. (Jonah Mallari/Vanz Fernandez)