Advertisers
INIREKLAMO ang isang babaeng tenant ng condo sa Barangay Kalusugan, Quezon City dahil tinakasan nito ang kanyang landlord nang hindi nagbabayad ng renta at ibang bills sa buong quarantine period.
Ayon kay William Sarao, unit owner, nitong Enero nang umupa ng 2-bedroom condominium unit si Wendy Mendoza.
Pagsapit ng Marso, iginiit umano ni Mendoza sa landlord na hindi muna siya magbabayad ng renta base sa utos ng Department of Trade and Industry (DTI) na magkaroon ng moratorium bunsod ng pandemiya.
Umabot ng Hulyo na walang binabayarang renta ang tenant ng condo. Nasa P30,000 kada buwan ang renta sa unit.
Nagpadala pa umano ng mga pekeng payment transaction ang tenant sa landlord.
Bukod sa renta, hindi rin nabayaran ng tenant ang bills sa kuryente, tubig, internet, at maging mga multa sa condo dahil sa hindi pagsusuot ng mask.
Sa kabuuan, nasa P200,00 ang utang na hindi binayaran ni Mendoza.
Nang inspeksyunin ni Sarao ang unit, napag-alaman niyang wala narin ang refrigerator dito. Tinangay umano ng babae ang ref ng fully-furnished na condo.
Napag-alaman ni Sarao na dati nang may insidente ng pang-i-scam si Mendoza.
Sinasabi umano ng tenant ngayon na nasa Ilocos siya para mag-deliver ng produkto, pero mula July 25 hanggang ngayon ay hindi na nagpakita si Mendoza.
Samantala, tumanggi si Mendoza na tumakas siya sa pagkakautang at pagkuha ng ref sa condo.
Aniya, hindi rin niya ninakaw ang ref kundi ipapagawa ito dahil nasira.
Sinabi nito na nag-iipon pa siya at kayang bayaran ng hulugan ang utang niyang renta.
Inireklamo na ni Sarao si Mendoza sa barangay.(PTF team)