Advertisers
Naniniwala si Muntinlupa Rep. Ruffy Biazon na kaya pa ring maipasa ang batas na magpapahintulot sa pagbabalik ng parusang kamatayan.
Ito ang pahayag ng mambabatas kasabay ng hiling na huwag muna isama ang inihain niyang House Bill 741 sa mga panukalang batas na tinatalakay ngayon ng House Committee on Justice para sa reimposition ng death penalty.
Aniya, hindi naman ito nangangahulugan ng kanyang pagbabago ng isip hinggil sa usapin, bagkus ay naniniwala itong hindi ngayon ang tamang oras para ito ay pag-usapan.
Mas maigi aniya kasi na ituon muna ng mga mambabatas ang kanilang atensyon sa pagtugon sa COVID-19 lalo’t patuloy ang pagtaas sa bilang ng kaso nito sa bansa.
Kumpiyansa naman ang mambabatas na kayang ihabol ang pag-pasa ng Death Penalty Bill sa nalalabing dalawang taon ng Duterte Administration.
Una nang inihayag ni Biazon na bago ang parusa ay dapat munang matiyak at ayusin ng mga law enforcers ang evidence gathering sa mga drug cases.
Ito ay para matiyak na hindi madi-dismiss ang kaso dahil lamang sa mga teknikalidad o kakulangan ng ebidensya at magkakaroon ng conviction ang mga may sala. (Henry Padilla)