Advertisers

Advertisers

AGILA NG MAYNILA, SIKAT NA PULIS PROBINSYA!

0 776

Advertisers

MALAKING karangalan para sa pulisya ng Lungsod ng Batangas at maging sa Syudad ng Maynila ang pagkakahirang sa isang orihinal na miyembro ng Manila’s Finest bilang natatanging pinuno ng kapulisan sa Rehiyon ng Timog Katagalugan na kilala ding CALABARZON.

Ngunit papaano ba na si P/Lt.Col. Julius C. Anonuevo, bantog ang pangalan sa Kamaynilaan, kilala bilang isa sa mga pangunahing opisyal sa Manila Police District (MPD) na dati ring Western Police District (WPD), ay naging matunog din ang pangalan bilang “Pulis Probinsya”?

Malaki ang papel na ginagampanan ni Region 4-A PNP Director P/BG Vicente D . Danao, Jr. sa pagtitiwalaang iniukol kay Anonuevo para umangat ito.



Si Anonuevo, humawak din bilang Station Commander ng PS 10 sa Pandacan Manila ay isa sa police official ng MPD na hinugot ni Danao Jr., sa MPD at binigyan ng pagkakataong mamuno sa kapulisan ng Siyudad ng Batangas.

Isa si Anonuevo sa naging epektibo at masipag na opisyal ni Gen. Danao Jr., nang hawakan ng heneral bilang District Commander ang MPD, kaya nang bigyan ito ng opurtunidad ng PNP hierrarchy para pamunuan ang CALABARZON PNP Regional Police Offices ay isa si Anonuevo sa walang pangingiming pinili nito mula sa “PULIS Maynila” at inilipat sa rehiyon na kinabibilangan ng Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon.

Hindi naman sa minemenos ng inyong lingkod ang pagiging isang “Pulis Probinsya,” ngunit napakalaki ng pagitan ng pagiging isang alagad ng batas sa highly urbanized city tulad na nga ng Maynila, Quezon City, Caloocan, Pasay City at iba pang kalunsuran sa Metro Manila.

Sa mga nasabing siyudad naglulungga ang malalaking organisadong sindikato at kriminal na walang habas ding pumapatay maging ng mga awtoridad, bukod pa sa paborito rin itong lungga ng mga police scalawag.

Kaya nga kapag isang “Pulis Maynila” o alinman sa nabanggit nating organisasyon ng kapulisan sa Metro-Manila ay ang impresyon ay may angkin itong tibay ng loob, likas na tapang, matalino at may mataas na antas na edukasyon.



Kaya nga nang unang pumutok ang pangalan ng teroristang Sparrow Unit, ang liquidation arm ng New People’s Army (NPA) sa Kamaynilaan, ang noon ay MPD-MPF na ngayon nga ay MPD at ang kapitbahayan nitong kapulisan ang agad na nag-organisa ng “Agila ng Maynila o Manila Eagle,” para sugpuin ang katampalasanan ng mga terorista.

Napakabata pa si Anonuevo, malayo pa ang tatahakin nitong landas mula sa noon ay isang kabataan na ang iniidolo ay ang kanyang namayapang tiyuhin na si P/Maj. Ramon “Boy” Anonuevo. Jr. batikang miyembro ng Station Investigation Division ng Quezon City Police Department (QCPD).

Namulatan ng batang Anonuevo ang buhay ng magiting nitong tiyo at ninong na noon ay isang kagawad ng police organisation na kung tawagin ay SIKRETA.

Nakita ni Anonuevo ang tunay na buhay at pakipagsapalaran ng isang tapat sa tungkuling pulis sa katauhan ng kanyang idolo. Hinangaan din ni Anonuevo ang kanyang tiyo sa pakikibaka laban sa mga kriminal at mamuhay sa gitna ng panganib alang-alang sa paglilingkod sa mamamayan.

Kaya baon ang pangarap na maging isa ring pulis ay nilakbay ni Anonuevo ang landas patungo sa katuparan ng kanyang pangarap.

Hindi man nyo naitatanong si ex-P/Maj. Anonuevo, Jr., ay may limang taon ding nakasama ng inyong lingkod sa police service nang kapwa kami bagito pa lamang na miyembro ng Quezon City Police.

Natalaga rin kapwa kami sa Quezon City Police Jail, sa itinuturing na “tapunan at disyerto noon ng kapulisan. Ngunit dahil sa paniniwalang “kapag may tiyaga ay may nilaga” kapwa rin kami napalipat ng tungkulin bilang police investigator at detective ng Theft and Robbery Division at naging Homicide Detective din ng QCPD sa ilalim ng pamumuno ng noon ay P/Capt. Romeo Sandiego na naging isang magiting na heneral.

Bilang isa namang “Pulis Maynila” malugod na naisakatuparan ni Anonuevo ang sawikain ng Manila’s Finest na M-Magalang at Mapagkakatiwalaan, P-Protektor ng mga inaapi at inosenteng mamamayan, at D-Disiplinado at dedikado sa simumpaang tungkulin.

Ang battle cry ng MPD ang siya ring iminulat ni Anonuevo para maging pamantayan ng kada miyembro ng Batangas City Police.

Bilang “Pulis Maynila” ay marami na rin itong tinanggap na parangal, bilang isa namang promding pulis ay katatapos pa lamang nito na magawaran bilang “Outstanding Senior Officer Officer of the Year” ng PNP Region 4-A Police Offices kamakailan dahil sa angking husay at epektibong kampanya ni Anonuevo at ng Batangas City Police Office Kontra-Droga.

Kasama ni Anonuevo na tumanggap ng parangal si PEMS Katherine Bodoy, CAD PNCO ng Batangas CPS.

Kaya para kay Anonuevo at sa mga kagawad ng Pulisya ng Batangas City, kudos sa inyo!

***

Para sa inyong komento:Cp # 09293453199 at 09664066144, email: sianing52@gmail.com