Advertisers
NATAGPUAN na ang 10 Pinoy seafarers na naunang napaulat na nawawala sa nangyaring malakas na pagsabog sa Port of Beirut sa Lebanon. Nagtamo lamang ang mga ito ng minor injuries.
Kinumpirma ito nitong Miyerkules ng Department of Foreign Affairs (DFA).
Nasa pangangalaga ang 10 Pinoy seafarers ng shipping company na Abu Merhi Cruises sa Ain el Mraiseh, Beirut. Ang kumpanya ang nagpapatakbo ng Orient Queen Cruiship.
Samantala, patuloy parin pinaghahanap ang isa pa nilang kasamahan na kasama sa nawawala.
Nakikipag-ugnayan narin ang Lebanese authorities upang alamin ang iba pang karagdagang impormasyon at para narin sa kaligtasan ng mga Pinoy na naapektuhan sa nangyaring trahedya.
Nagpaabot naman ng pakikiramay ang DFA sa pamamagitan ng Office of the Undersecretary for Migrant Workers Affairs (OUMWA) sa mga kaanak ng dalawang OFWs na nasawi sa pagsabog sa Port of Beirut sa Lebanon.
Tiniyak ng DFA sa publiko na lahat ng mga Pinoy sa Beirut ay bibigyan nila ng kaukulang tulong partikular ang mga biktima sa pagsabog. (Lordeth B. Bonilla)