Advertisers

Advertisers

TIME-OUT

0 497

Advertisers

ANG pagbubukas-ekonomiya ng bansa sa gitna ng lumalaganap na pandemya ang dahilan sa patuloy na pagtaas ng bilang ng nagkakaroon ng C-19. Simula nang ibaba ang antas katayuan nito sa pinakamatas na ECQ patungo sa GCQ, hindi magkamayaw ang mga health workers ng bansa sa pagharap sa mga pasyenteng nagkaroon, nakaranas, at nakararanas nito dahil sunod-sunod ang pasok nito sa mga pampubliko at pampribadong hospital.

Sa pagtaya ng bilang sa kasalukuyan, malinaw na nalampasan na nito ang isandaang libo at patuloy na tumataas. Hindi na magkandaugaga ang mga health workers kung paano ito haharapin dahil maging ang mga hanay nila, mula sa mga doktor, narses at iba pang obrero pangkalusugan, ay sinapian na rin ng C-19.

Marami sa kanila ang pumanaw habang ang iba’y nakaratay sa banig ng karamdaman at dahil sa dedikasyon sa propesyon, patuloy pa ring lumalaban at lalaban. Sa pagharap sa usaping ito, wala tayong narinig na humindi o umayaw ang ating health workers — sige pa kaya pa.



At sa tagal ng giyerang ito, naubusan na ng bala at tamang kasuotang pandigma ang mga frontliners natin upang proteksyunan ang kanilang mga sarili. Maging ang kanilang damdamin minsan ay bumibigay na rin. Subalit ang masakit, maririnig pa natin ang mga pinuno ng bansang sinasabing pagbutihin pa nila ang kanilang trabaho at huwag na makialam sa usaping pambansa.

Kaya Ginang Sintiyanak, dalawin mo sila?

Marami na sa ating mga pagamutan sa bansa, lalo na ang nasa Metro Manila, ang labis-labis na ang bilang ng apektado ng pandemya — parang bumabaha na ito sa kanilang mga pasilyo. Karamihan sa mga ospital na ito’y tumatanggi na sa dami ng mga maysakit.

Hindi na rin sila makatanggap ng pasyente na may ibang karamdaman dahil sa kawalan ng paglalagyan at tututok sa nasabing sakit. Malinaw pa sa sikat ng araw na umaabot na sa kasukdulan ang kapaguran ng mga obrerong pangkalusugan. Kailangan na nilang huminga sa labas ng ospital upang mag-recharge at marami pang haharapin sa pagbalik. Pwede bang time-out muna?

Nitong nakaraang linggo, binanggit ni Totoy Kulambo na kailangan na nating buksan ang ating ekonomiya upang bumalik na ang dating sigla ng kabuhayan ng bansa. Nariyan binanggit ng mga economic manager natin na maganda at maayos ang tayo ng ating ekonomiya, maging ang piso ang pinakamalakas na pera sa Asya.



At sa pagkakataong matapos ang bakuna laban sa pandemya na gawa sa Tsina sa Disyembre, balik normal na ang bansa.

Subalit ang lahat ng ito’y binawi ng pamahalaan nang manawagan at umapela ang iba’t-ibang grupo ng health professionals na kung maari’y harapin natin ang pandemya sa pamamagitan ng pangkalusugang paraan dahil ito ang solusyon.

Hindi militarisasyon ang solusyon; hindi pulis ang solusyon; hindi pananakot at pag-aresto sa mga tao, at lalong hindi paghugas ng gasolina o petrolyo. At ang pinaka sa panawagan — ang matagal na nating binabanggit: Ang magbuo ng isang komprehensibong pagbalangkas ng plano na nakaangkla sa isang sistemang pangkalusugan ng bansa.

Sa palitan ng mga pahayag, malinaw na hindi marunong tumanggap ng mungkahi si Totoy Kulambo at minamasama pa nito ang inaabot na apela ng mga doktor. Ang pahayag na binabanggit ng iba’t-ibang samahan ng mga health workers ay para sa kagalingan ng mga nagkakasakit na Filipino.

Malinaw na ito ang tamang hakbang sa kasalukuyang kalagayan, habang wala pang bakuna at maibsan ang pagdami ng insidente ng C-19 pandemya. Walang pahayag na laban o galit sa pamahalaan ang mga ito — tanging ang magkaroon ng tamang hakbang sa landas ng paglaban sa pandemya ang nais at hindi ng ano pa man.

Ang paglagay sa ECQ sa Metro Manila at ilang karatig lalawigan ang tamang hakbang upang mapigil ang pagkalat ng pandemya. Tama na kailangan nating paggalaw ang kabuhayan, pero unahin nating mabuhay.

Ito ang kanilang nakikitang unang hakbang upang masugpo ang patuloy na pagtaas ng estatistika dulot ng pagdami ng nagkakasakit ng C19 sa ating bansa. Oo, taliwas ito sa nais o sa pahayag ng pamahalaan, subalit ito ang kanilang mungkahi bilang mga eksperto sa usaping ito.

Ang mga health workers at ang kanilang mga pamilya na mismo ang biktima ng pandemyang ito. Ang apela nila’y may pinanggagalingan at hindi na mismong basta “trabaho lang, personalan na ito,” dahil ang mga mahal nila sa buhay ang iniiwas na rin sa apelang ito.

Ang apelang ito ng mga health workers ay hindi para bastusin ang pamahalaan, kundi upang pigilan ang tumataas na dami ng naaapektuhan sa pandemya.

Kung maramdamin si Totoy Kulambo, tanggapin natin na para sa atin ang binabanggit ng ating mga obrerong pangkalusugan. Ang kaligtasan natin ang kanilang nais dahil bilang mga eksperto, mas alam nila ang tama at hindi nila nais na ilagay ang mga tao at sarili sa peligro.
Kung hindi tanggap ng pamahalaang ito, ating ipaabot na tinatanaw naming tama ang inyong apela. Hindi kami magte-tengang kawali at balat-sibuyas sa inyong nais para sa amin.

Sa ganitong kalagayan, kalembangin natin ang Batingaw upang gisingin ang mga Pilipino na sang-ayunan ang apelang ito. Ang pagkakaroon ng konting pahinga para sa kanila’y aming naiintindihan at aming iniintindi, kaya’t kami’y sumasang-ayon na kailangan na ng Time Out.

May 3 rd at 4 th quarter pa. Tatalunin natin ‘yang pandemya sa sama-sama nating pagkilos. Patuloy nating ipagdasal ang ating bansa na malampasan ang pagsubok na ito at gayundin sa ating mga obrerong medikal.

***

dantz_zamora@yahoo.com