Advertisers
UMAPELA si Senate Commiteee on Health and Demography Chairman Christopher “Bong” Go sa mga ahensya ng gobyerno na pagbutihin ang communication efforts at ipakalat ang tamang impormasyon sa publiko.
Sinabi ni Go na dapat tulungan ng mga opisyal ng gobyerno ang mga kababayan na makabangon gamit ang tama at klarong impormasyon sa halip na pahirapan pa.
Ipinaliwanag ni Go na ang pagbibigay ng napapanahon at tamang impormasyon na may kaugnayan sa COVID-19 ay makatutulong sa pagsisikap ng pamahalaan na malagpasan ang kinakaharap na health crisis.
Hindi na aniya dapat dagdagan ang iniisip ng taumbayan lalo na at hilong-hilo na ang mga ito dahil sa dulot ng pandemya kaya naman dapat maipaliwanag nang maayos ang mga inilalabas na impormasyon.
Nakasalalay umano ang mga desisyon ng taumbayan sa tamang impormasyon na base naman sa science at health experts gaya ng ginagawa ni Pangulong Rodrigo Duterte at gobyerno.
Nanawagan din ang senador sa mga local government units, mga ospital at accredited laboratories na makipag-coordinate sa DOH para matiyak na validated ang mga kailangang datos mula sa kanila sa tamang oras.
Tiniyak ni Go na pinaghahandaan na ngayon kung ano ang gagawin kapag may bakuna na laban sa COVID-19 upang masigurong mabibigyan ang mga mahihirap at vulnerable sector. (Mylene Alfonso)