Advertisers
HINILING ni Senator Christopher “Bong” Go sa Office of the Ombudsman na masusing imbestigahan o “balatan nang malalim” ang mga opisyal ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa mga alegasyon ng katiwalian upang malaman ang katotohanan sa sinasabing mafia na kumikilos sa ahensiya.
Kasunod na rin ito ng pagkadismaya ng senador sa pagkabigo ng state run insurance company na mailabas ang insurance claims sa accredited hospitals nito at sa umano’y overpriced na paggastos at marami pa.
Sa pagdinig ng Senado, iginisa ni Go ang PhilHealth officials sa pagkabigong maresolba ang mga kumukulapol na isyu sa ahensiya.
Sinabi ni Go na dapat nang sibakin ang mga tiwaling opisyal sa nasabing government-owned corporation.
“Paano ninyo magagamot mga pasyente kung sarili ninyong ahensya ‘di n’yo magamot? Kailangan talaga ‘yang mga korap tanggalin na talaga,” aniya.
Umapela si Go sa Ombudsman na malalimang magsiyasat sa isyu para malaman kung sino ang mga dapat managot at matukoy ang mga nasa likod ng kalokohan o kung mayroon mang mafia sa Philhealth.
Ayon sa senador, sadyang hindi katanggap-tanggap na ang salaping bayan na magagamit sana sa pagliligtas ng buhay ng ating mga kababayan ay nawawaldas lamang sa katiwalian sa gitna ng dinaranas na krisis ng bansa dulot ng pandemya.
Desmayado ang mambabatas dahil ang PhilHealth, ang siyang implementer ng Universal Health Care Law, ay nagsabing ngayon pa lang ay nauubos na ang pondo nito.
“Handa ang gobyerno na tulungan ang PhilHealth kung kailangan ng pondo pero dapat managot ‘yung mga taong sangkot sa pagnanakaw ng pondo. Enough is enough,” sabi ni Go.
“Kulang na nga pondo, nanakawin o sasayangin pa. Asan ang malasakit ninyo sa kapwa ninyong Pilipino?,” galit na sabi ng senador.
Sinabi niyang kapag napatunayang guilty sa korapsyon ang sinomang indibidwal sa ahensiya ay dapat lamang na siguruhing sila’y mananagot, maparurusahan at makukulong.
Ayon kay Go, bukod sa imbestigasyon ng Senado ay nagsasagawa rin ang Office of the President at Presidential Anti-Corruption Commission ng parallel investigations sa mga alegasyon sa PhilHealth.
“Noong nakaraang taon lang nagkaroon na ng hearing ang Blue Ribbon committee para busisiin ang mga alegasyon ng korapsyon sa ahensya. I challenged General Morales to weed out corruption in the agency. Pero mukhang marami pa ring nakakalusot at diumano’y nadadawit sa katiwalian,” aniya
Sa kabila nito, sinabi ni Go na ipaglalaban niyang madagdagan ang pondo para sa implementasyon ng Universal Health Care Law kapag tuluyan nang nawalis ang mga korap sa PhilHealth.
“Kaya hindi talaga katanggap-tanggap na mayroong mga alegasyon na may mga nagbubulsa ng pera sa PhilHealth para sa pansariling interes,” aniya. (PFT Team)