Advertisers
UMABOT na ng libong mga medical personnel ang tinanggap ng lungsod ng Maynila simula nang ideklara ang health emergency noong Marso.
Ito ang nabatid kay Mayor Isko Moreno, na nagsabi rin na patuloy ang pagtanggap ng mga karagdagang health care workers bilang karagdagang puwersa sa kasalukuyang bilang ng mga health care workers sa lungsod.
Noong Lunes ay nilagdaan ni Moreno ang bagong appointments ng pitong doctor, dalawang medical technologists, anim na nurses at 16 administrative staff.
Ayon pa kay Moreno, siya at si Vice Mayor Honey Lacuna ay palagiang nakikipag-ugnayan sa mga directors at key officials ng six city-run hospitals upang tiyakin na sakaling magkaroon ng problema ay mabigyan agad ng solusyon.
Sa isang pulong noong nakaraang araw ay nanghingi sina Moreno at Lacuna ng updates sa kalagayan ng mga ospital at tumugon naman ang mga direktor ng pagamutan na maayos ang kalagayan ng city’s health care system.
Tiniyak naman ni Moreno na patuloy ang hiring ng karagdagang medical personnel upang mapagaan ang trabaho ng bawat isang health care worker.
Nang manungkulan bilang alkalde si Moreno ay tiniyak nitong babaguhin niya ang sistema ng trabaho ng mga nurses kung saan nagtatrabaho ang mga ito ng dalawa hanggang tatlong shifts dahil sa kakulangan ng mga trabahador sa pagamutan.
“Mga tao rin naman ang ating mga doktor, nurse at maging administrative staff. Napapagod din sila. Kapag ganoong sobra-sobra na ang trabaho, sila naman ang magkakasakit and we cannot afford to let them get sick, specially nowadays,” paliwanag pa nito.
Samantala ay sinabi ni Moreno na tuloy ang serbisyo ng dalawang drive-thru at tatlong walk-in COVID test centers kahit pa modified enhanced community quarantine (MECQ).
Pinaalalahanan din ni Moreno ang mga residente na pangalagaan ang kanilang sarili at boluntaryong disiplinahin ang sarili.
“Pag-ingatan nyo ang sarili nyo… magkusang disiplina tayo kasi punong-puno na… sa kalsada na kayo gagamutin, sa basketball court na kayo gagamutin. Sa barangay hall na kayo matutulog dahil wala pong paglalagakan kaya kailangan natin talagang mag-ingat,” giit pa nito. (Andi Garcia)