Advertisers
MASYADO raw kasing pasaway ang mga tao kaya pa-tuloy ang pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID ‘19) sa bansang ating mahal.
Eh sino ba ang mas pasaway?: Ang mga ordinaryong mamamayan o ang mga opisyal ng pamahalaan?
Kaya raw nahahawaan ng covid ang mga tao ay dahil sobrang pasaway, ‘di raw sumusunod sa mga protokol tulad ng ‘di pagsuot ng facemask, walang social distancing, ‘di naghuhugas ng mga kamay, etc… etc…
Eh bakit itong mga opisyal ng gobyerno, maging mga matatalinong politiko ay nahahawaan din ng virus? Ibig sabihin pasaway din sila!, di rin sumusunod sa guidelines laban sa China veerus. Rite?
Ilang opisyal ng gobyerno na ba ang nag-anunsiyo na covid positive sila? Di ba maging ang Education Secretary na si Leonor Briones na hindi naman nalalapitan ng mga ordinaryong mamamayan at hindi naman pumupunta sa mataong lugar ay nagka-covid din.
Ilang kilalang politiko na ba ang nag-covid positive? Si Senador Sonny Angara, Sen. Migz Zubiri, Sen. Koko Pimentel, who else??? Bakit sila nahawaan e ‘di naman sila pumupunta sa umpukan ng sinasabing mga pasaway. Sa malalamig, malilinis at magagarang lugar sila tambay. Bakit sila nahawaan ng virus? Paano sila nahawaan? Dahil ba pasaway din sila tulad ng mga ordinaryong mamamayan na nagka-covid?
Kung ang ‘di pagsunod sa mga protokol ang dahilan ng pagkakaroon ng virus, mas pasaway itong mga opisyal at mga politiko na nagka-covid. Dahil kung ‘di sila pasaway, silang mas nakakaintindi, ‘di sana sila nagka-covid. Rite?
Kaya bago natin sisihin ang mga ordinaryong mamayaan na nagka-covid dahil sa ‘di pagsunod sa mga protokol, mas sisihin natin itong mga opisyal nating nagpapatupad ng guidelines na nagka-covid din. Mas pasaway sila! Mismo!!!
***
Isang taon nalang daw at ubos na ang pondo ng Philippine Health Insurance Corp. or PhilHealth.
Ito ang nabuking sa Senate inquiry nitong Martes ng umaga, kungsaan nabunyag ang grabeng katiwalian.
Mantakin mo, mga pare’t mare, isang laptop lang mil-yong piso ang halaga!!! Mapapa-PUTANG INA ka talaga kay PhilHealth President Carlos Morales.
Sabi ng whistleblower na isang certififed public accountant, P15 BILYON ang nadale ng PhilHealth executives sa pondo ng korporasyon. Pera ng taxpayers ito!
Ano kayang masasabi ni Pangulong Rody Duterte sa grabeng anomalyang ito sa PhilHealth, na pinamumunuan ng itinalaga niyang retired Army General?
Masasabi parin ba ni Digong na: “Morales has my trust!”, tulad ng sobrang bilib niya kay Health Sec. Francisco Duque na isinasangkot din sa katiwalian sa PhilHealth?
Kung hindi lang siguro mga kapanalig ni Digong ang mga opisyal na ito na inaakusahan ng grabeng katiwalian, malamang naghihimas na ng rehas ang mga ito ngayon tulad ni Sen. Liela de Lima. Mismo!
***
Pabor na pabor tayong buhayin ang death penalty o “Bitay” laban sa drug lords, basta’t isama ang korapsyon partikular Plunder.
At tama si Presidential Anti-Crime Commission Greco Belgica. Na dapat ay in public o sa harap ng publiko isagawa ang pag-bitay para magsilbing babala sa mga opisyal na gagawa ng katiwalian.
Go, Greco!