Advertisers

Advertisers

LIGHT-A-FIRE MOVEMENT

0 719

Advertisers

DAHIL sa lockdown, inayos namin ang aming munting aklatan (library). Laking gulat namin ng matuklasan ang mga sipi ng ilang aklat na nabili ilang taon na ang nakakalipas, ngunit hindi pa nabasa. Kasama sa mga natuklasan ang aklat na may titulong ”A Revolutionary Odyssey.” Tungkol ito sa buhay ni Gaston Ortigas, isang dating business executive at guro na nakabase sa Makati City. Masinop na inayos ang aklat ni Ortigas ng aming namayapang kaibigan na si Sylvia Mayuga, isang batikang kolumnista ng pahayagan noong panahon niya.

 

Nagsilbing talambuhay ni Ortigas ang aklat. Tahimik na business executive si Ortigas na sa bandang huli ay naging guro ng mga usaping pangnegosyo sa Asian Institute of Management (AIM). Bagaman isa siyang taimtim na nananampalataya na kabilang sa Simbahang Catolico Romana, paunti-unting naging aktibista si Ortigas dahil sa kanyang protesta laban sa diktadurya ni Ferdinand Marcos.



 

Bagaman tahasang iniwasan ni Ortigas na tatakan ang sarili bilang isang national democrat (natdem), social democrat (socdem), o liberal democrat (libdem), ang tatlong malaking puwersa na tumutol sa diktadurya ni Marcos, malinaw na mas makiling siya sa pagiging socdem. Isa si Ortigas sa mga maituturing kawal ng Simbahang Katolico Romano. Karamihan sa kanyang mga nakasama ay mga soc-dem bagaman malaki ang kanyang papel sa pag-uusap at pagkakasundo ng tatlong malalaking grupo kontra diktadurya.

 

Isinalaysay ng aklat ang kamulatan pulitikal ni Ortigas at ang proseso nito, ang pakikisangkot sa mga kilusang pulitikal, kasama ang kilusang lihim, at kanyang buhay bilang destierro (exile) sa Estados Unidos. Kilala si Ortigas bilang kapanalig ni Raul Manglapus, ang nagtatag ng Movement for Free Philippines (MFM) sa Estados Unidos.

 



Hindi hadlang ang pagiging kasapi siya sa MFM upang kumilos at mapagkasundo ang MFM at dalawang iba pang grupo ng puwersang kontra diktadurya sa Estados Unidos – ang Ninoy Aquino Movement (NAM) ng mga libdem, at National Democratic Front (NDF) ng mga natdem. Buong gilas niyang isinalaysay ang political dynamics ng tatlong grupo hanggang mapatalsik si Marcos sa isang payapang himagsikan sa EDSA noong 1986.

 

***

 

ILANG araw bago magtapos ang taong 1979 ng magulantang ang bansa sa mga ulat na pawang nahuli ang mga lider ng Light-a-Fire Movement (LAFM), isang kilusang lihim ng mga middle class professional na nagsagawa ng pambomba at pagsunog sa ilang piling lugar na kilalang malapit sa diktadurya. Kasamang binomba at sinunog ang floating casino, Philippine Plaza Hotel (ngayon ay Sofitel Hotel), tanggapan ng Comelec sa Intramuros, Sulo Hotel sa Quezon City, at iba pa. Kasama sa mga nahuli sina Eduardo Olaguer, ang lider umano, mag-asawang Ottoniel at Ester Jimenez (ina ni Jim Paredes ng APO), at ilan pa.

 

Kasama si Gaston Ortigas sa mga suspect. Hinanting sila ng militar. Nagtago si Ortigas at tumakas palihim sa kaparehong ruta ng pagtakas ng pamilya ni Raul Manglapus – ang southern backdoor.  Hindi ipinagkaila ni Ortigas ang pagkakasangkot niya sa LAFM bagaman idinedetalye niya sa aklat na marami ang nagulat na kaibigan, kamag-anak, kakilala, estudyante niya sa AIM sapagkat kilala siya bilang taimtim at paladasal na taong Simbahan.

 

Ayon sa kanyang aklat, lumulan siya ng isang sasakyang pangisda papunta sa Cebu, lumipat sa isa pang sasakyan pandagat papunta sa Jolo kung saan lumipat pa siya sa isang bangka papunta sa Sandakan sa Sabah. Nagsuot siya ng peluka upang hindi makilala ng mga militar. Kinanlong siya ng mga taong Simbahan sa Jolo at Sandakan. Mula doon pumunta siya sa Kuala Lumpur upang maghintay sa aksyon ng gobyerno ng Estados Unidos.

 

Naghintay siya ng ilang linggo sa Kuala Lumpur dahil hindi agad bumaba ang kahilingan ng political asylum. Pagdating ng Mayo, 1980, ibinaba ng State Department ang kanyang political asylum at lumipad sa Estados Unidos patungo sa McLean, Virginia kung saan naninirahan si Raul Manglapus. Kinilala siya bilang isang masigasig na mandirigma para sa kalayaan kontra diktadurya ni Marcos at nakasama niya ang ilang lider tulad nina Ninoy Aquino, mag-asawang Heherson at Cecille Alvarez, Ernie Ordonez, Willy Crucillo, at Joel Rocamora, ang kinatawan ng NDF sa Estados Unidos.

 

Tumingkad ang kilusang lihim nang makita ng mga aktibistang soc-dem ang pagtanggap sa noise barrage noong ika-6 ng Abril, 1978. Bisperas na halalan para sa mga bubuo ng Interim Batasang Pambansa nang magkaroon ng makasaysayang noise barrage ang oposisyon. Nayanig si Marcos at mga kapanalig nang makita nila na nag-ingay bilang protesta ang mga mamamayan ng Metro Manila. Walang nanalo sa 21 kandidato ng Lakas ng Bayan, o Laban, ang koalisyon na humarap sa Kilusang Bagong Lipunan (KBL) ni Imelda Marcos.

 

Nabuo ang April 6th Liberation Movement na binubuo ng mga aktibistang socdem, at ang Gerilya Anak Pawis na nagsilbing  military arm. May inilunsad silang Operation June Bride ngunit nabisto ito ng militar kaya napilitang nagtago ang ilang lider kasama si Renato Tanada, anak ni Lorenzo Tanada, dating senador, at ang kanyang anak na si Karen.

 

Pagsapit ng 1980, nabuo ang LAFM. May pasaring si Ortigas na kasama sa LAFM sina Ninoy Aquino at Steve Psinakis na ang asawa na si Precy ay anak ni Eugenio “Inying” Lopez Sr. Hindi agad nabasa ng militar kung bakit patuloy ang mga pagsabog at panunog kahit nahuli na sina Olaguer at ang mag-asawang Jimenez noong 1979. Katatapos lang ng heart bypass operation ni Ninoy Aquino sa Dallas, Texas at sa kanilang pagtaya, hindi kakayanin ni Ninoy ang pagod at stress sa pagkilos sa usaping pulitikal ng Filipinas.

 

Bahagyang nalaman ng mga militar ang isinasagawang pambobomba ng LAFM nang sumabog ang bomba ni Victor Burns Lovely, isang Amerikano na may asawang Filipina, sa tinutuluyan na silid sa YMCA sa likod ng Manila City Hall. Naputol ang isang kamay ni Lovely at nabulag ang isang mata. May ikinanta si Lovely na ilang detalye ngunit hindi matibay bilang ebidensiya sa hukuman.

 

May binanggit si Ortigas kay Doris Nuval (dating Baffrey), anak ni retiradong Commodore Santiago Nuval na isa sa mga kaibigan ni Marcos. Nagtatrabaho noong 1980 si Doris bilang tourism information officer sa Embahada ng Filipinas sa Washington. Si Doris ang nagdala at nagtanim ng bomba sa isang conference sa Asian Society of Tourist Agencies (ASTA) sa PICC noong 1980. Sumabog ito malapit sa upuan ni Marcos na dumalo upang magtalumpati.

 

Nahuli si Doris. Nakulong siya ng limang taon. Ngunit walang nakatas ang militar at maging ang CIA at FBI upang idiin ang ilang lider oposisyon sa LAFM. Hanggang sapantaha lamang sila. Lumaya lamang sina Olaguer, mag-asawang Jimenez, Nuval, at iba pang suspect nang palayain ni Cory Aquino ang lahat ng bilanggong pulitikal nang maupo siya pagkatapos ng 1986 EDSA People Power Revolution.

 

Maraming nakakagulat na detalye ang aklat ni Gaston Ortigas. Alam ba ninyo na nagbukas ng hamburger joint ang mag-asawang Psinakis dahil wala na silang pera? Nagtrabaho bilang houseboy at security guard si Bonifacio Gillego? At tumira sa apartment na walang mainit na tubig ang mag-asawang Alvarez?