Advertisers

Advertisers

Matigas si SINAS

0 328

Advertisers

You cannot really shame a man who sincerely does not care what others think of him.  — Philosopher Mokokoma Mokhonoana

HINDI lamang ‘Top Cop’ ng Metro Manila si National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Major General DEBOLD SINAS kundi isang tough cop (tigasing pulis) dahil talaga namang matigas siya—matigas ang mukha!

Muling nag-viral ang ating magiting na heneral matapos ireklamo siya ng isang lalaki sanhi ng puwersahan niyang pagpapalayas mula sa kanilang tahanan sa Fort Bonifacio, Taguig City.



Sa Facebook post na lumitaw kamakailan, ibinahagi ni ARLES DELOS SANTOS, anak ng isang retiradong pulis, ang mga larawan at video ng sinasabing harassment na naranasan ng kanyang pamilya sa kamay ni Sinas at mga tauhan ng hepe ng NCRPO.

Napaulat na nais palayasin ni Sinas ang pamilya ni Delos Santos dahil ang kinatitirikan umano ng bahay ng pamilya ay pag-aari ng Philippine National Police (PNP). Subalit kinontra ito ni Arles na hindi na raw pag-aari ng PNP ang kanilang lugar at sinubukan pa niyang ipakita sa heneral ang mga dokumentong nagpapatunay nito.

Subalit ipinilit ng galit na galit na opisyal ng pulis na wala umanong karapatan ang pamilya ni Delos Santos na manatili sa kanilang tahanan, na ayon kay Sinas ay pag-aari pa rin ng PNP. Sinabi pa ng heneral na pansamantalang pinayagan ang ama ni Delos Santos na manirahan sa pasilidad noong nagtatrabaho pa itong pulis at dahil sa “humanitarian consideration.”

Tinanggi naman ni Delos Santos ito. Pinagdiinan niyang nagretiro ang kanyang ama noong Nobyembre ng nakaraang taon lang at hindi na rin nakipag-usap sa kanyang mga magulang ang mga awtoridad ukol sa usapin.

Matatandaang umani ng batikos si Sinas makaraang ipagdiwang ang kanyang kaarawan nitong Mayo, na lumabag sa pinaiiral na mga alituntunin ng quarantine. Nahaharap ang heneral sa kasong criminal dahil sa nabanggit na insidente.



Sa ganitong mga pangyayaring ito, masasabi nga natin na si Hen. Sinas ay tunay na matigas na pulis—matigas ang mukha!

* * *

PARA sa inyong komento o suhestyon, reklamo o kahilingan, magpadala lamang ng mensahe o impormasyon sa aking email na filespolice@yahoo.com.ph o dili kaya’y i-text n’yo na lang ako sa aking cellphone numbers na 09054292382 para sa Globe at 09391252568 para sa Smart. Salamat po!