Advertisers
May COVID-19 man o wala, problema ng marami ang palagiang trapik papunta ng trabaho at pauwi, lalo na ngayon mayroon tayong hinaharap na mas seryosong suliranin sa ating mga kalusugan.
Natalakay ko na ang suhestiyon ko na magpapaluwag sa daloy ng trapiko kapag tinatawag na “rush hours”, sa mga nauna kong column, ngunit parang walang sumeryoso at parang walang nakapansin. Kaya pahapyaw ko munang ipapaalala sa inyo ang aking konsepto na sana ay huwag namang nakawin o kopyahin ang ideyang ito.
Ngayong nasa panahon tayo ng panganib dahil sa COVID-19, makakatulong talagang pagaanin natin ang daloy ng trapiko at kalagayan ng mga mananakay o commuters nang hindi sinasakripisyo ang kanilang kakayahang makagawa o makapagtrabaho. Tatalakayin ko ng buo ang ideyang ito sa mga susunod kong column.
Natatandaan niyo pa naman siguro ang ODD-EVEN nating sistema? Ganito rin ang ating ia-apply lalo na ngayong panahon na pinagbubuti o minomodify natin ang lahat upang makaiwas tayo sa COVID-19 virus. Ang mga pribado, publiko at mga opisina ng gobyerno ay nagtatakda na kailangang pumasok at nasa opisina na ng alas-otso ng umaga (8:am) at nagtatapos ang trabaho ng alas-singko (5:pm) ng hapon. Gaano man kalayo ang lugar ng pinagtratrabauhan, sabay-sabay ang lahat at halos nakikipagpatayan na sa lansangan para bumiyahe.
Kung babaguhin natin o lalagyan ng style ang sistema mababawasan natin ang problema sa traffic. ODD-EVEN din ang kasagutan natin. Halimbawa, ang mga sasakyan na may plakang nagtatapos sa ODD number gaya ng 1,3,5,7,9 ang siya munang papayagan lumabas hanggang alas-otso para makapunta sa kani-kanilang opisina o trabaho, makakauwi sila ng alas-singko ng hapon.
Ang EVEN numbers naman na 2,4,6,8,0 ay makakalabas lamang ng alas-otso at kailangang nasa trabaho na ng alas-nueve (9:am) ng umaga, ngunit makakauwi at makakabiyahe lamang ng alas-sais (6:pm). Sa ganitong paraan mahahati ang dami o bilang ng mga gagamit o bibiyahe sa mga lansangan. Mas magaan manakbo ika nga. Maari namang “exempted” ang mga magka-car pool, o yaong magbibiyahe na may kasamang tatlo o dalawa pang kaopisina, basta inoobserba ang ‘social distancing.’
Kung may tinatayang tatlong-daang libong (300,000) sasakyan ang tumatakbo habang ‘rush hours’ mahahati ito sa sistema ng ODD-EVEN. At kahit sa mga walang sasakyan ay pwedeng i-apply ito. Hindi magkukumahog sa mga pila ng terminal dahil kalahati ng bilang ng mananakay lamang ang nasa kalsada o mangangailangang mag-commute.
Hindi naman mababawasan ang tinatawag na ‘productivity’ ng “work force” kung ia-apply ito. Hinati lang natin upang di magrambulan at magsabay-sabay sa mga kalsada at matengga lamang sa trapik. Hinati lang din natin ang mga unang papasok at mag-uuwian para gumaan ang pagbibiyahe.
Gets niyo ba? Pwede rin yan iapply bilang ‘modified bus scheme’ kung ako ang inyong tatanungin.