Advertisers
MAGPUPULONG bukas ang Inter-Agency Task Force (IATF) at ang grupo ng mga medical professionals sa Malacañang.
Ito’y para talakayin ang apela ng mga doktor at nurse sa administrasyon na ilagay sa 2 linggong Enhanced Community Quarantine (ECQ) ang National Capital Region (NCR).
Ayon kay Philippine College of Physicians President Dr. Mario Panaligan, masaya sila sa naging hakbang ng IATF upang malaman ang kanilang mga hinaing.
Giit ni Panaligan na maraming health workers ang napapagod na at marami sa kanilang hanay ang nagkakasakit na.
Nauna rito ay umapela ang mga health workers sa pamahalaan na muling isailalim sa ECQ ang NCR.
Ito’y dahil sa patuloy na paglobo ng COVID-19 cases sa bansa kung saan ang NCR ang may pinakamaraming naitalang kaso ng tinamaan ng naturang sakit.
Malaking tulong umano ang 2 linggong ECQ para magkaroon ng time-out ang mga health workers at makapagpahinga sila kahit paano.
Nitong Sabado ng gabi ay nagpulong din umano ang IATF at mga cabinet members para tugunan ang mga hinaing ng mga health workers na ibalik sa ECQ ang NCR. (Josephine Patricio)